Mga Kuro-Kuro

Ang aking mga sagot sa mga tanong ni Cara Perez sa kanyang Real Neat Blog Award. Hayaan mo nang sagutin ko ito sa Filipino tutal karamihan naman sa mga tanong mo’y may kinalaman sa Pilipinas:

Your thoughts on RIP OPM: Anne Curtis, Daniel Padilla, Alex Gonzaga, Kim Chiu, Kathryn Bernardo, Enchong Dee and their gold or platinum awards?

Habang nanonood ng TV ay napadaan ako sa MTV. Saktong nagka-countdown na sila ng Top 20 OPM songs. Bandang Top 10 nang mapailing ako dahil ang daming kanta ro’n na galing lang sa dadalawang “singers”—si Nadine Lustre at James Reid. Sabi ng kasama kong nanonood, “Sila-sila na lang ah.” Sabi ko, “Sila kasi ang gusto ng teenagers.” Masyado nang ginawang komersyalisado ang talento kahit sa umpisa’y wala namang talento. Hindi ako fan ng mga artistang pinapasok ang industriyang hindi naman nila forte. Porke’t ba sikat ka’y singer ka na rin? Tandaan, hindi lisensya ang kasikatan upang gawin mo ang lahat ng gusto mong gawin (kabilang ang pulitiika). Hindi pa nga magagaling umarte, sumasabak na sa pagkanta! Nakalulungkot lang na ang ilang producer sa Pilipinas, ang tingin sa talento ay pera at sa artista’y produkto.

Your thoughts on the next Filipino president? Who? Why?

Top 3: Miriam Defensor Santiago, Dick Gordon at Rodrigo Duterte. Mga taong may political will at integridad. Bihira na tayong makahanap ng mga ganitong tao dahil sa bansang ito, ang turing ng mga pulitiko sa political will at integridad ay mga optional na katangian lamang. Ano pang pagkakatulad ng tatlong nabanggit? Bukod sa makarisma sila ‘pag nagsasalita’y matapang pa ang kanilang mga sinasabi. May bigat, may kapangyarihan. Ang nakalulungkot lang ay hindi patok ang tatlong ‘to sa masa dahil ang masa natin ay hindi ganoon katalino pagdating sa pagkilatis sa mga kandidato. Makamayan mo lang sila, iboboto ka na. Maabutan mo lang ng T-shirt na may mukha mo, iboboto ka na. Abutan mo lang ng pera, selyado na ang iyong balota. Hindi ako anti-poor, ikinalulungkot ko lang na hindi alam ng masa ang kapangyarihan na meron sila. Mas marami kaya ang masa kaysa thinking class!

Your thoughts on Philippine FM Radio specifically midnight shows (Language and Theme: Should it be censored?)

Simula nang mawala na sa ere ang BrewRATS ay bihira na kong nakakapakinig ng radio shows tuwing gabi. Nakapakinig na rin naman ako ng programa ni Papa Jack at ‘yong kalaban niyang si Papa Dan. Wala naman akong nakikitang masama sa tema at lenggwahe ng mga late night shows sa bansa dahil karamihan naman ng mga tagapakinig nito’y matatanda na (at sana’y nauunawaan nga nila ang naririnig ng kanilang mga tenga). Tinatanong ko lang ang sarili ko kung bakit lahat na lang ng programa sa radyo’y tungkol sa love, sex and relationship? Nasaan na ang competition, choice at variety kung sa bawat pihit mo ng radyo’y pare-parehong topic lang ang mapakikinggan mo? Ang media ay negosyo rin kasi kaya nga hindi nagtatagal ang mga programang gaya ng BrewRATS—mga programang hindi lang tenga at puso ang binubusog, pati utak.

Your thoughts on K-12 Education system?

Ano ba ‘yong K sa K-12? Ah, baka kalokohan? Inimplimenta raw ng gobyerno ang K-12 para makasabay ang Pilipinas sa agos ng globalisasyon. Bukod sa binabagyo ang pasukan sa Pilipinas, nagpaghuhulihan na raw ang bansa sa mga exchange program ng ating mga karatig-bansa. ‘Pag bakasyon kasi sa Pilipinas, pasukan naman sa ibang bansa, kaya wala tuloy nangyayaring exchange program sa pagitan ng Pilipinas at kung alinmang bansa. Eh ang tanong ko lang, kung mangyari ba ang exchange program lahat ng estudyante ipapadala mo ba sa ibang bansa? Eh hindi naman. At ‘yong dati ngang educational system natin hindi maperpekto tapos mag-iimplementa agad ng bago? Ang paggamot sa anay ay ang pagpatay dito! Hindi ‘yong panay palit lang ng kahoy! Ay, sabi nga ni Rizal, nakakatamad mag-aral ‘pag mainit ang panahon. At nakakainit din ng ulo na hindi pa nga nasosolusyonan ng gobyerno ang kakulangan sa silid-aralan, libro, upuan at guro’y nagmamadali na silang baguhin ang sistema. Patong-patong ang problema, tapal-tapal ang solusyon.

A. Your thoughts on #fandoms? Kathniels (KN), One Direction (Directioners?), etc. OR B. Your thoughts on the public transportation system in the Philippines?

Iniisip ko na lang na kanya-kanyang henerasyon lang ‘yan pagdating sa mga iidolohing tao. Siguro’y matanda na rin ako kaya hindi ko maunawaan kung bakit nagugustuhan ng mga teenager ang mga ampao na idolo nila. Ang isyu ko lang ay kung anong napapala ng mga fans sa mga idolo nila? Halimbawa ‘yong JaMich. Sa hinaba-haba ng panahon na sikat sila, nag-advocate man lang ba sila sa isang makabuluhang bagay? Nagparating man lang ba sila sa mga fans nila ng mensahe tungkol sa sex education o anuman at hindi lang puro #mayforever at #landipamore? Wala raw basagan ng trip ngunit minsan trip kong basagin ang mga ulo ng mga teenager para malaman ko kung may utak pa ba sila, o kung meron man, kung ano ang nilalaman ng kanilang isipan.

Your thoughts on Right to Speech / Freedom of Speech: Is there a limitation?

Oo. Lahat ng karapatan ay mayroong hangganan. Karapatan nating magdakdak hanggang gusto natin ngunit sana nama’y totoo at hindi puro tsismis lang. Karapatan nating magreklamo tungkol sa kung ano-anong mga bagay ngunit sana nama’y may naiaambag tayo kahit papaano para sa pagbabago.

Your thoughts on the role of social media or social networking sites in our society? (Overly trending topics? Too much use of #hashtags? Twitter Wars / instagram Wars / Facebook Wars? Anything else?)

Kung ang tinutukoy mo ay ‘yong mga walang kwentang hashtag gaya ng #ChicserInvadesIsetann o #KathNielOnGGV, wala naman tayong magagawa riyan. Malakas ang hatak ng mga zombie, este, fans nila. Pinakakalma ko na lang nga ang aking sarili sa pag-iisip na “hanggang hashtag lang kasikatan ng mga ‘yan.” Nasa’n ang talento? Baka nasa hashtag din. Marketing din kasi ‘yang mga hashtag na ‘yan. Ituring na lang nating biktima ‘yong ilang gumagamit. Pangit lang ‘yong ideya na nagpapa-trend ka ng isang bagay para mapatunayan lang na sikat ka. Nasusukat na pala ngayon ang kasikatan sa isang simbolo lang at hindi sa tatak ng ‘yong talento? Mabuti sana kung bawat hashtag ay tungkol sa advocacy o charity eh hindi naman.

Confetti ng Ilusyon: Pinoy Talent Shows

Maraming dahilan kung bakit hindi na ko nanonood ng mga talent show sa Pilipinas. Okay, aaminin ko na nakanood din naman ako ng mga talent show noon gaya ng pinakaunang StarStruck, pinakaunang Talentadong Pinoy at sari-saring singing contests. ‘Yong pinakaunang nood ko, ‘yon na rin yata ‘yong huli.

“Anong gusto mo paglaki?” “Artista po.”

Mga sikat na artista na rin ang nagsabi na hindi pang-habambuhay ang pagiging artista dahil hindi rin pang-habambuhay na sikat ka. Dapat may fallback ka after showbiz. May negosyo ka ba? May college degree ka ba na pwede mong gamiting pang-apply sa magandang trabaho? Itigil na dapat ng maraming kabataan at mga magulang ang pag-iilusyon na show business ang sagot sa kahirapan.  Ang pag-aartista ay maaari mong pangarapin ngunit sa harap ng camera ka lang nito kayang pasikatin.

Itigil na dapat ‘yong pagbenta ng mga notebook na may mukha ng mga artista. Tingnan mo tuloy ‘yong mga kabataan ngayon, lahat, “Gusto ko pong mag-artista”.

Poverty Porn

Ang nakakaumay na aspekto ng talent shows sa Pilipinas ay ang paglalahad ng back story ng kada contestant lalo na ‘pag mahirap ang pinagmulan nito. Akala ko ba talent show ‘to? Bakit inuungkat pa ‘yong kahirapan ng pamilya ng contestant? O ng pagiging breadwinner niya? O ng pagkamatay ng kapatid niya dahil sa kawalan ng pampagamot sa ospital? O ng pagiging labandera (lang) at construction worker (lang) ng kanyang nanay at tatay? O ng kanyang kagustuhan na makatapos ng pag-aaral pero walang panggastos? Medyo biased din na mga mahihirap lang na contestant ang may back story at wala sa mga mayayaman o may kaya. Bakit ‘yong mga mayayamang contestant ay hindi gawan ng flashback tungkol sa maunlad nilang negosyo? Tatay niyang abogado at nanay niyang doktora? Kapatid niya sa Ateneo, La Salle o UST? Ang kanyang kotse, Prada o poodle? Realidad din naman ang mga ‘yon.

Huwag na dapat haluan ng human interest story para magkaroon ng appeal sa mga manonood. Kaya tumatagal din ang airing ng mga talent show sa bansa dahil kada (mahirap na) kalahok may sariling VTR bago magtanghal. Nanonood tayo ng talent shows para mamangha sa galing ng mga kalahok at hindi maawa at makisimpatya sa kalagayan nila. May ibang programa para sa mga gano’ng istorya. Wala kong isyu sa mga mahihirap na contestant, ang akin lang, dapat patas ang lahat sa taas ng entablado. Kung talent ang usapan, talent ang labanan.

Kung panonoorin ang mga talent shows ng pabaliktad, makikita ang isang sikat na taong unti-unting malulugmok sa kahirapan. Kung tatanggalin ang flashback ng kanyang buhay sa simula, makikitang puro talento lang ang naging takbo ng kanyang buhay. Basahin mo ‘yong pagkakaiba.

And the Winner is…

Sa aking paniniwala’y hindi dapat dinidiktahan ng mga tao kung sino ang mananalo sa talent show. Dapat nang itigil ‘yong text votes at paramihan ng Facebook likes. Kaya nga may mga judge dahil sila ang eksperto sa pagtingin kung ang kalahok ay mahusay. Nagiging kasangkapan kasi ng simpatya at yaman ang text votes at FB likes at tila nawawalan ng saysay ang husga ng mga hurado kung mga tao rin lang naman pala ang magtatakda ng mananalo. Nagiging paramihan ng boto ang labanan. Paano na lang ang mga walang perang pambili ng maraming sim card o ‘yong mga walang internet sa bahay na ‘di makakapag-Palike Po campaign? Paramihan pala ng fans ang labanan, magaling ka man o hindi.

Mahilig yata manood ang ilan ng talent shows bilang pampalubag-loob sa kawalan nila ng galing sa pagkanta, pagsayaw, pag-arte o pagbalat ng buko gamit ang ngipin. Ang iba’y nanonood pampalipas oras lamang o dahil wala silang cable. Anuman ‘yong dahilan ng panonood natin, dapat matutunan nating husgahan ‘yong palabas kung anong meron dito—talentado o tarantado.