Bagon ng Bayani

Ano ang pasalubong pagbalik sa bayan?
Kung hindi bugbog-saradong katawan
Ay salubong na mas malamig pa sa malamig na bangkay.

Nilisan ang bansa para sa pamilya
Para sa kinabukasan ng buhay, para sa wala?
Kung pagbukas ng sinakyan, ika’y patay.

Ika’y pangangailangan ng iyong mga mahal
Ng bansang ang pugay sa’yo’y kalakal
Walang malay na umalis, dumating ring walang malay.

Salaulang ibong hinahabol ang kaginhawaan
Sa’yo lahat nakaasa, pati ang kawalan
Alila ka ng bayan, pangarap at mismong buhay.

Kung ang pagmamahal ay dakilang layunin,
Mapagmahal ka nga’t dakilang alipin—
Isang paalala na ang bayani’y namamatay.

Para sa mga Flor Contemplacion
Para sa mga Mary Jane Veloso
Para sa mga OFW na buhay nga’t wala naman sa bansa.
Para sa mga OFW na nasa bansa nga’t wala namang buhay.

Advertisements

Daluyong

Nag-uunahan

Nag-uunahan ang mga alon
Patungo sa dalampasigan
Mahalikan ang buhanginan
Makanakaw ng kaunting saglit
Makaipon ng sapat na buhangin
Patungo sa laot
Ng nagnanasang karagatan.

Naghahabulan

Naghahabulan ang mga alon
Nagngangalit na pinipigil ang nauna
Hanggang sa ito’y mawala’t
Maging kaulayaw muli ng karagatan
Hanggang sa ito’y makarating sa dulo’t
Makaahon sa yakap
Ng mapagbigay na dalampasigan.

Naglalaho

Naglalaho ang mga alon pagsapit
Sa maamong dalampasigang nais makasiping
Buhangi’y panandaliang sasama sa kanila’t
Dali-dali ring babalik paglisan nila
Matagal ang paglalakbay, maikli ang pagtatalik
Sa laot ay minamahal ng mga alon ang dalampasigan
Mga along hindi napapagod bumalik sa kanilang katapusan.