Paboritong Eksena: Sakaling Hindi Makarating

May kaunting spoiler tungkol sa Sakaling Hindi Makarating.

Sa bangin na pinupuntahan ni Sol ‘pag malungkot siya, do’n niya rin tinapon ‘yong mga postcard kasi ayaw na niyang umasa (at kasi tatanga-tanga raw siya). Sa mismong lugar din na ‘yon tinapon ni Cielo ang singsing niya. Nang tinanggal nga niya ito sa kanyang daliri para ibato, makikitang ‘yon lang daliring ‘yon ang hindi na-sunburn sa kanya. Bilog. Maputi. Matingkad.

Naglakbay si Cielo sa iba’t-ibang panig ng bansa para hanapin si M. At sa buong panahong nagso-soul searching siya, kung ‘di niya suot ‘yong singsing, nakakwintas ‘to sa kanya. Sa paghahanap niya kasi kay M, inaasahan niyang sasaya siya. Sa kabila nga ng pagiging sawi, dala pa rin niya ‘yong singsing na nagpapaalala sa kanya ng sakit. Sa pagmu-move on, hindi niya tinalikuran ang dahilan kung bakit siya naghahanap ng kapanatagan ng loob—kalungkutan.

‘Yong pangingitim ni Cielo (dulot ng sunburn), tanda ‘yon ng pagnanais niyang maging masaya—at ng mismong pagmu-move on niya. At ‘yong daliri niyang hindi na-sunburn (dahil sa suot niyang singsing), tanda ng pagsulit at pagnamnam niya sa sakit. Para maging buo siyang muli, kailangang may palayain siya sa kanyang sarili ngunit hindi naman ibig sabihin no’n na dapat na niyang kalimutan ang lahat ng nangyari.

Sabi nga, para makarating sa gustong puntahan, huwag kalimutan ang dinaanan.


“Paano ba mag-move on?”

Noon pa lang, naniniwala na kong ang moving on ay hindi kasingkahulugan ng “paglimot.” Hindi naman nakalilimot ang tao lalo na kung masakit ang naranasan niya. Lahat ng bagay lumilipas, maging kalungkutan o sakit man. Kung bibigyang kahulugan ang mailap na “moving on,” ‘yon ang pagtanggap sa katotohanang malungkot ka’t nasasaktan. Ang pagsuko sa’yo mismong sarili na ngayon, lugmok ka at bukas ka pa lang siguro makababalik sa taas. Kahit ilanmang bukas ‘yon.