Tugmang Taliwas

Tila paniking nakalambitin
Sa kweba na sa pagkagat
Ng dilim lamang lumalabas
Upang punan ang sikmura
Ng matamis at nakababaliw
Na katas mula sa maamong bulaklak
Na napalilibutan ng matatayog na puno
Na hitik sa bunga at orkidyas.

Tila paniking sa dilim
Ay malayang nakalilipad
Na walang anumang pangamba na
Siya’y mabihag ng agila na
Buong magdamag na nag-aabang
Ng kanyang hapunan
Ngunit umuwing luhaan at walang regalo
Para sa kanyang mga inakay.

Tila ika’y isang paniki
Na kung kailan ako at ang mundo ko’y
Unti-unti nang tumitiklop
Saka gigising ang iyong diwa’t
Nanunuyong minsan pa’y
Makaiwas sa kuko ng agila
At muling matikman ang pawis ng mga bulaklak.

Pagmamasdan kita habang nakapikit
Ang aking mga mata
Dahil hanggang sa panaginip ika’y aking
Nakikita at ika’y aking ilalayo sa mabangis
Na agila at ituturo ko sa’yo ang daan patungo
Sa luntiang hardin na ika’y tinutukso.

Patawad ngunit ako ang agilang nais kang saktan
Ngunit sa umaga’y ‘di ka naman matanaw
Kaya nagkakasya na lang akong ika’y sariwain
Sa aking isipan ako man ay mamatay sa gutom
O paghihintay. Dahil nais kong marating mo ang
Kaligayahan at matunton ang iyong pangarap,
Hayaan mong tuwing gabi, ang dilim
Ay aking yakapin.

AKALAyaan

Malaya saan?
Sa mga dayuhan?
O malaya sa ideyang wala nang kalaban?
Anu’t-ano pa man, sino bang dapat iwasan?
Dayuhan o mismong ating kababayan?

Tingnan ang paligid, masaya ba ang bansa?
Ang mga nakaaangat, ang lalaki ng bunganga
Samantalang ang mga nasa baba’y lalong bumababa
Ang mga makapangyarihan ay nagpapakasasa
Ang mga nagdarahop, umaasa sa wala.

Kasalanan ba nino kundi nating Pilipino
Nasa’ting kamay ang babago sa mundo
Magbabalik sa bansa sa gintong tungtungan nito
Ngunit anong hawak ng kamay mo na ‘di naman kandado?
Ayun sa sulok, parang islang nagso-solo.