Paul Kern

Mahirap matulog sa gabi kong umaga niyo
Habang kayo’y tulog sa gabing umaga ko
Ang payapang pagtulog ay aking pinapangarap
Sa umagang gabi ko na ang katahimika’y mailap.

Tuwing tanghaling tapat ay maalinsangan
Kaya maski pag-idlip ay pahirapan
Kahit pumikit ng sobrang tagal
Gising pa rin ang diwa’t ang talukap ay hinihingal.

Mapalad sa tuwing iiyak ang langit
At kahit paano’y maaabot ang mundo ng panaginip
Masisiyahan sa malamig na panahon
Habang yakap ang unan at ulo’y halos umabot sa puson.

Ang mga bilbil sa mata’y simbolo ng hirap
Sa pagnakaw sa tulog na napakailap
Ito’y isang patunay na ang mga kuwagong pagod
Ay gagawin ang lahat ang tulog lang ay mapahinuhod.

Lugawan ni Bebang

Anong nirereklamo mo sa sabaw na may langaw?
Wala ka sa Glorietta nandito kang Cubao
Dose lang naman ‘yang binayad mo
Presyong pang-plain pero may langaw kang rekado.

Bakit mo mumurahin si Aleng Kusinera?
Ano bang inaasahan mo rito, mayamang panlasa?
Kutsarahin ang langaw at itapon sa tabi
Isiping ang insekto’y pumanaw para gutom mo’y mapawi.

Lagyan ng sangkatutak na paminta
Sabuyan ng sobrang asim na suka
Kaya ring labanan ng kalamansi
Ang ‘yong isip na nakararamdam ng pandidiri.

Kung padabog ang iyong pagkain,
‘Di mo malalasahan ang sarap ng basang kanin
Kaya kahit may hinanakit kang kinikimkim
Kumain ka na lang at pigilang maging sakim.

Sakim saan? Sa pagiging panggap na perperkto!
Hindi ka elitistang nabubuhay sa ginto
Magtiis ka sa ‘yong buhay na patapon
Sisihin, sino? Ngayon, bukas at kahapon?