Karatula: Mga Lahok sa SBA 2017

“Pamamahinga”

Papasukin sa kuwarto
Sa kalaliman ng gabi,
Tututukan ng baril sa noo
Ang natutulog sa kama,
Saka kakalabitin ang gatilyo.

Ganyan ako namatay,
Parang bagong-silang
Na walang muwang;
Parang bagong-silang,
Duguan—ngunit ‘di man lang nakaiyak.

Sa huling hininga ko,
Nakapikit ako–
Ang mamatay habang nananaginip,
Ang mamatay nang mahimbing—
Alam ko, hindi ganito ang mamahinga.

Manlaban

Ang ilan sa lansangan
Ay kinukumutan ng karatula:
Adik, pusher, kriminal,
Huwag tularan.

Masalimuot, marahas
Ang uri ng kamatayan
Na dinanas nila,
Nasaan ang hustisya?

Ang ilan sa lansangan
Ay nakayapos sa karatula:
Itigil ang patayan,
Ipaglaban ang katarungan.

Mahirap, mapaniil
Ang uri ng buhay
Na dinaranas nila,
Nasaan ang karapatan?

‘Yong isang karatula’y para sa mga
Walang kalaban-laban
At ‘yong isa pa’y para sa mga
Itinutuloy ang laban.

Sumalaulangit nawa

Sumalangit nawa
Ang kaluluwa
Ng mga salaula
Na sinawata
Ng bagong Ilaga
At ng Pambansang Pulisya;
Mga bata
Na biglang durugista na;
Mga ina’t ama
Na maagang nawala;
Mga lolo’t lola
Na madaling kinuha
Ng bala;
Mga tiyo’t tiya
Na ‘di halata
Na adik daw pala;
Mga kinakasama
Na naghirap, walang ginhawa,
Iniadya;
Mga Ate’t Kuya
Na namatay nang walang mukha;
Mga pinsan, kakilala,
Kaklase, kabarkada,
Kapitbahay, ‘di-kilala,
Lahat ay tulak ng droga;
Lahat sila na luha
Ang huling salita.

Lahat ay biktima
Sa giyera,
Bata man o matanda,
Dahil ang bala
Ay walang mata
Para makita kung
Sino o ano ang tama,
Walang pandama
Sa mga nagmamakaawa.

Ang karatula
Ay makabagong lapida:
Sumalangit nawa
Ang mga hampaslupa;
Madugong alaala
Ng mga naulila.

Lahok sa Saranggola Blog Awards 2017.

Saranggola 336x280

 

Advertisements

Milagro sa Sinehan

Sa sinehan nang malaman kong nakakakita raw ng multo ang unang girlfriend ko. Hindi naman ako naniniwala sa mga ganyan pero ‘pag siya ang nagkukuwento, natatakot ako.

Habang nanonood kami, bigla niyang tinanong kung may dumaan daw ba sa harap namin.

“Wala naman. Bakit?” tanong ko.
“May dumaan kasi.”
“Nasa’n na?”
“Papunta siya sa likod. Hayaan mo na.”
“Anong hitsura?”
“Ewan. Wala namang mukha.”

Dahil sa sinabi niyang multo, nagkaroon ako ng dahilan para yakapin siya.

Sa isa pang pagkakataon sa sinehan din, bigla niya kong tinanong kung may naririnig daw akong tumatawa sa likod.

“Wala. Bakit?” sagot ko nang makita kong wala namang tao sa likod namin. Kinabahan na ko no’n.
“May kasabay tayong nanonood, hindi lang natin nakikita.”
“Huwag ka na manakot.”
“May mga gano’n talaga, baka akala nila buhay pa sila.”
“Anong hitsura?”
“Ayaw ko nang tingnan baka magkatitigan pa kami.”

Tumahimik na lang ako’t itinuon ang aking atensyon sa palabas. Habang nakayakap sa kanya, syempre.

Sa sinehan ulit, sa dulo naman kami naupo dahil hindi lang naman mga multo ang kayang gumawa ng misteryo. Habang kahalikan ko siya, naramdaman kong hindi lumalaban ang kanyang mga labi sa aking mga halik. Parang tikom ang kanyang bibig sa kabila ng romansang nagaganap. Bigla niya kong pinahinto’t binulungan.

“May nakaupo sa harap natin.”

Nagulat ako, akala ko may tao talaga. Pero walang tao. Dahil nabitin ako, hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya’t tinuloy ko ang pakikipaghalikan sa kanya. Sa ikalawang pagkakataong magkadikit ang aming mga mukha, nakaramdam na ko ng takot dahil sobrang tahimik niya.

“Pinapanood tayo ng nakaupo sa harap. ‘Yong ulo niya nakaikot tapos nakangiti.”

Agad akong tumayo’t hinila siya palabas ng sinehan. Marami nga talagang nangyayaring milagro sa sinehan—lalo na sa kataas-taasan, kadulo-dulohan at kadilim-diliman.

Isang pagsubok na magsulat ng kuwentong katatakutan. Nagmistulang katatawanan sa dulo.

Hango sa “tunay” na pangyayari, sang-ayon sa kuwento ng ex at ng kaibigan.