Spoken Poetry: Paano Humugot ng May Dignidad

“Buti pa ang sinaing, hindi pwedeng iwan.”

“Ang pag-ibig ko sa’yo ay parang ulan. Maaari mong iwasan pero hindi mo mapipigilan.”

Kaliwa’t kanan ang hugot. Kahit anong bagay na lang yata ay naikokonekta sa nararamdaman o pinagdaraanan mo. Masarap kasing gamitin ang mga salita para paglaruan ang nararamdaman mo. At mas masarap siguro kung masasambit mo ang mga salitang ito.

Ngunit bukod sa pagiging madrama sa social media, paano ba maglabas ng saloobin at magparating ng nararamdaman sa iba? Imbes na kimkimin at ikulong sa’yong Facebook o Twitter ang mga nagdurugo mong feels at hugot, bakit hindi subukang iparating ito sa pamamagitan ng spoken poetry? Para saan pang nagdadrama ka kung hindi mo rin lang ito maibubulalas gamit ang sarili mong boses? Hinihintay ka na ng entamblado para mag-emote. Lasapin ang kalayaan ng pagdadrama. Kilalanin ang iyong sarili. Kilalanin ang spoken poetry.

Ayon kay Wilson Esguerra, matagal nang poetry performer, ang spoken poetry ay isang uri ng sining kung saan maari mong mailabas ang mga kinikimkim mong emosyon. Dagdag pa niya, isang epektibong paraan ito upang mapagaan ang loob ng isang taong may pinagdaraanang problema sa kanyang buhay. Masarap naman kasi talagang magbawas ng nararamdamang bigat lalo na kung may mga handang makinig.

“’Yong mga gusto mong sabihin ‘pag hindi nailabas ‘yan, babaho sa loob mo at papasok sa’yong utak hanggang sa hindi mo na alam ang gagawin. Isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit may nagtatangkang mag-suicide.  Hindi nila alam kung anong outlet ‘yong gagamitin nila. Hindi nila alam na meron palang spoken poetry. Naililigtas mo ‘yong sarili mo sa pintuang ‘yon,” hugot ni Wilson.

Sa pamamagitan din nito, malalaman mong hindi ka nag-iisa at may ibang tao ring dumaranas ng problema. Hindi ka lang nagkakaro’n ng boses sa pamamagitan ng pagtutula, nagkakaro’n ka rin ng karamay. Mga karamay na hindi lang handang makinig, handa ring umunawa. Ayon nga sa mga beterano na sa sining na ito, “Lahat tayo may hugot kaya lahat tayo, may masasabi.”

Si Bruce Boter, first-timer naman sa sining, ay nahikayat na subukan ito dahil sa mga sumasabog niyang emosyon. Nais niyang maibahagi sa iba ang mga sinusulat niya tungkol sa mga kinaiinisan niya’t iba pa niyang napupuna. Ito rin daw ay isang uri ng espresyon ng kanyang mga personal na karanasan at mga obserbasyon tungkol sa mga tao at sa paligid.

“Naghangad akong mas maging mapag-obserba at mas naghangad akong mas kilalanin pa ‘yong sarili ko. Kasi hindi ka naman pwedeng hanggang salita ka na lang,” feels ni Bruce tungkol sa naitutulong sa kanya ng pagtutula.

Parami nang parami ang mga hugot kaya naman parami na rin nang parami ang mga bar na may ginaganap na spoken poetry. Ilan sa mga lugar na ito ay ang Sev’s Cafe sa Maynila, Bunk sa Mandaluyong at Cubao Expo sa Quezon City. Kalimitan itong ginaganap tuwing gabi dahil mas romantiko nga namang tumula kapiling ang buwan at mga tala.

Magpapahuli ka pa ba’t hahayaang mabulok ang iyong mga hugot? Hugutin na ‘yan. Isulat mo na kahit magdugo pa ang papel sa’yong mga nararamdaman. Saka mo bigkasin sa harap ng madla at palayain ang iyong puso’t isipan sa sarili mong tanikala. Maging manunulat. Maging manunula. Maging malaya.

“Pwede mong iwan ang sinaing. Kung handa kang tumikim ng ayaw mong lunukin.”

“Ang pag-ibig ko sa’yo ay parang ulan. Bubuhos kung kailan ‘di mo inaasahan.”


Para sa isang training program ng isang local radio