Ang Maghabol ng Salita

​Ganito ang maalala ka:
Ang masabik sa nakaaakit na tunog
Ng pagtipa ng iyong mga daliri
Sa makinilya;
Na naghahabol ng titik
Upang makabuo ng mga salita
Na dagling sinusundan ng mga parirala
Patungo sa’yong mga pangungusap,
Talataan, sulat, iyong akda;
Na bumubuo sa akin, sa aking diwa.

Ganyan ang maalala ka–
Sa pagbasa, sa papel, sa aking katha.

082515

Advertisements

Text Back

Hindi ako sasaya kung lalayo ka
Ako’y magdurusa kung ika’y mawawala
Kuntento ako sa kaya mong ialay
Basta ba ‘wag mo kong pigilang maghintay
‘Pagkat ang pagmamahal ko sa’yo ay ‘di magmamaliw
‘Yan ang pangako ko oh aking giliw.

011713

Kinahinatnan

Naglalakad tayo at hawak ko ang bisig mo
Nang biglang may nakita tayong
Lalaking naghihingalo
Ang sabi ko’y saglit lang at titingnan ko
Paglapit ko sa Kuya, duguan ito.

May nakatarak pang kutsilyo sa kanyang tagiliran
Maliban pa ito sa mga saksak sa kanyang dibdib
Umuungol, pawis na pawis at lumuluha
Nagmamakaawang sana’y tinuluyan na lang siya
Nakabibiglang nakaya pa niyang magsalita.

Hindi ko pa pala nakita ang lahat
Siya’y tumalikod at do’n ko nasilayan
Na mayro’n din siyang tatlong tama ng baril
Sinigawan kitang tumawag ng ambulansya
Ngunit pagtingin ko sa’yo, ‘di na kita nakita.

Ako’y kinabahan at baka napahamak ka
Nandito pa kaya ang gumawa nito kay Kuya?
Nakaramdam ako ng pagkatakot at agad tumayo
Sumisigaw at nanginginig na hinahanap ka
Walang sumasagot at madilim ang paligid.

Mga kaluskos ay tila sumisigaw
Ang bawat ingay ay parang bulyaw
Handa ako sa kalaban kahit medyo naluluha
Narinig ko ang pagdating ng ambulansya
Agad na tumakbo at itinuro si Kuya.

Nawala ang kaba nang makita kita
Ika’y naghanap lang pala ng ambulansya
Kasamang mga pulis at tanod
Agad kang hinatak at niyapos
Agad ding tumagos sa katawan mong tila humulagpos.

Ika’y umiiyak at tila nanghihina
Ako’y nagtatanong kung ako’y iyong nakita
Lumapit ako sa pinangyarihan ng krimen
Kung saan ika’y nakaluhod at nagmamakaawa
Ang Kuyang nakahiga ay ako pala.