Techie Lang: Smartphone App na Nagbabala ng Lindol

Isang smartphone application ang dinisenyo ng mga siyentipiko na makatutulong para magbigay babala o early warning sa mga tao laban sa lindol. Ang naturang application ay ipinakilala sa publiko sa ginanap na World Science Forum sa Rio de Janeiro at maaari nang magamit sa susunod na taon.

Inilunsad ng mga siyentipiko mula sa University of California (UC) ang naturang smartphone application sa nasabing conference upang ibida na ang teknolohiya ay maaaring magamit panlaban sa mga kalamidad o anumang sakunang dulot ng kalikasan.

Ang application ay base sa nauna nang early warning system techonology na ginawa ng isang team mula sa UC Berkeley Seismological Laboratory sa pangunguna ni Professor Richard Allen. Ang estado ng California, sa pangunguna ni Gov. Jerry Brown, ay nagsimula nang yakapin ang konsepto ng isang early warning network. Noong Setyembre, si Brown ay pumirma na ng isang bill na nagtatakdang bumuo ng nasabi ngang network.

Ang nasabing smartphone application ay may kakayahang magbigay babala o alerto sa pagitan ng mga unang sandali o minuto bago pa man tumama ang yanig o tremor ng paglindol. Ang pagbibigay-babala ng application ay nakadepende sa kung gaano kalapit ang application user sa epicenter ng lindol.

Gumagana ang application sa pamamagitan ng pagkuha nito ng insiyal na enerhiya (initial energy) mula sa pagyanig. Ang naturang enerhiya ay tinatawag na P wave o primary wave na bihira naming magdulot ng pinsala.

Ang application ay gumagamit ng teknolohiyang nakabase sa algorithms. Ang mga algorithm ay mabilisang tumutuklas (o dume-detect) ng simula ng paglindol. Kasabay nito, dine-detect na rin nito kung gaano kalakas ang lindol at kung saan ang lokasyon nito. Higit sa lahat, kaya rin nitong malaman kung hanggang saang lugar aabot ang pinakamatinding pagtama ng lindol para nang sa gayo’y mabigyang-babala ang mga residenteng maaaring maapektuhan nito. Ang mga algorithm ay kumukuha ng mga datos mula sa mga regional networks na nagmo-monitor ng seismic networks.

Sa mga cellphone naman, ang mga user nito na nasa mismong epicenter ng lindol ay hindi makakatanggap ng warning ngunit ang mga pagyanig na naramdaman ng system ay dali-daling magta-transmit ng babala sa iba pang users na ilang kilometro lamang ang layo sa epicenter. Sa ganitong paraan, mabibigyang-babala ang iba pang mga user at magagawa nilang makakuha ng mga mahahalagang impormasyon para mapaghandaan nila ang mga susunod pang mangyayari.

Ayon pa kay Allen, ang tanging kailangan lamang ay isang teleponong nakapwesto sa epicenter. Ang nasabing telepono ang magde-detect ng pagyanig at siya na ring magpapadala ng impormasyon sa server na nagsasabing “I felt a jolt, I am in this place”.

Dagdag pa ni Allen, sabay-sabay ang pag-alerto sa server ng iba pang mga cellphone para nang sa gayo’y malaman kung gaano kalawak at kung saan naganap ang lindol. Sa ganitong paraan, ang mga user na nasa mas malalayo pang lugar ay mabibigyan din ng babala. Ang mga impormasyong ipinapadala ay nagsasaad ng oras ng simula ng pagyanig at ng lakas nito.

Ang mga babala ay nagbibigay-oras sa mga tao upang makahanap ng ligtas na lugar. Maaari rin nitong bigyang babala ang mga industriya at transportasyon para nang sa gayo’y maiiwas pa sa peligro ang mas maraming tao.

Ang application ay gumagamit pa ng ibang functions gaya ng accelerometer at gyroscope na umaalam sa galaw ng lindol. Mayroon din itong GPS , Wi-Fi at magnetometer na umaalam naman ng direksyon ng lindol.

Ang software ay napapakinabangan ng labing-anim na milyon (16 million) na smartphone sa buong California pa lamang at mahigit isang bilyon naman sa buong mundo. At ang lahat ng ito ay posible pang mai-konekta sa isa’t-isa.

Ang application ay unang susubukan sa libong users. Kapag ito’y naging matagumpay, ang application ay libre nang makukuha sa pamamagitan ng isang code.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s