GALING PINOY – OSANG FOSTANES

Isang malaking karangalan para sa Pilipinas ang ibinigay ng 47-year old Pinay caregiver na si Rose “Osang” Fostanes matapos niyang ipamalas ang kanyang husay sa pagkanta sa singing contest na X-Factor Israel. Si Osang ay isang patunay na ang mga Pinoy, saan mang sulok ng daigdig mapadpad ay sadyang magaling.

Ang tubong Taguig na si Osang ay naglakas-loob na sumali sa X-Factor Israel upang maipamalas sa mundo ang kanyang ginintuang boses. Si Osang ay anim na taon nang caregiver sa Tel-Aviv, Israel. Para makatipid, siya ay naninirahan lamang sa maliit na apartment kasama ang pito pa nating kababayan. Si Osang ay suma-sideline rin bilang bokalista ng isang banda kung saan sila’y tumutugtog sa isang maliit na bar. Sa kagustuhan ni Osang na iangat ang antas ng buhay ng kanyang pamilya rito sa Pilipinas, sinakrispisyo na niya ang kanyang sariling buhay. Mula pa lamang noong 23 years old pa siya ay nag-caregiver na rin siya sa Egypt at Lebanon. Ayon kay Osang, kagaya ng ibang Overseas Filiino Workers (OFWs), alam naman daw ng kanyang pamilya na ang lahat ng pagsa-sakripisyo ay kanyang ginagawa para sa kanila. Balewala na ang hirap sa trabaho at pangungulila basta maayos lang ang kalagayan ng kanyang pamilya rito sa Pilipinas. Aniya, isa sa mga dahilan ng pagsali niya sa X-Factor ay hindi lamang para manalo kundi para mabago ang buhay ng kanyang pamilya.

Nagmarka agad si Osang sa mga manonood at hurado ng X-Factor nang kanyang awitin sa first round of audition ang awiting You are My Life ni Shirley Bassey. Sa kabila ng kanyang taas na 4’11’’ lamang, pinabilib niya ang buong Israel sa kanyang napakaganda at napakataas na boses. Unang beses lamang niyang mag-perform sa harap ng maraming tao ngunit nakatanggap agad siya ng standing ovation hindi lamang sa mga manonood kundi maging sa kanyang mga kapwa kalahok. Sa kanya namang awit na You and I ni Lady Gaga sa second round of audition, lalong pinatunayan ni Osang na hindi dapat siya maliitin dahil hindi siya basta-bastang mang-aawit lamang dahil ayon nga sa kanya, bata pa lamang siya ay pangarap na niyang maging singer.

Nagpatuloy ang tagumpay ni Osang sa X-Factor hanggang sa umabot na nga siya sa Final Five at naging crowd favorite pa. Maging ang kanyang mentor na si Shiri Maimon, isang sikat na Israeli singer, ay bilib sa galing ni Osang sa pag-awit.

Marami ring ibang mga lahi ang sumali sa X-Factor ngunit  sa kanilang lahat, si Osang pinakanaiiba dahil sa kanyang likas na kagalingan sa pag-awit. Sa dami nga ng sumaling mga foreigner sa X-Factor, siya lamang ang nakapasok hanggang sa huli.

Noong una’y hindi raw makapaniwala si Osang na nakamit niya ang ganitong klase ng tagumpay sa kanyang buhay. Ngayon nga raw ay kilala na siya sa buong Israel at kahit saan daw siya magpunta’y dinudumog na siya ng kanyang mga fans. Ayon kay Osang, malaking pagbabago raw ang idinulot ng X-Factor sa kanyang buhay. Noon daw kasi ay minamaliit siya at nakakaranas pa ng diskriminasyon ngunit ngayon daw ay sikat na siya at kilala ng lahat. Dagdag pa niya, ang kanyang paglalakbay sa X-Factor ay patunay lang na hindi pa huli ang lahat para maipakita ang kanyang talento.

Ayon kay Osang, marami na nga raw mga OFW ang nagpapadala ng mensahe sa kanya at nagpapaabot ng pagbati at pasasalamat sa paghahatid ng inspirasyon sa kanila. Sa kabila naman ng kasikatan na kanyang natatamasa ngayon, nasasabik na raw niya ang kanyang pamilya at kanyang karelasyon dahil dalawang taon na ang nakalilipas nang umuwi siya sa Pilipinas. Sabi ni Osang, tinitiis na lamang niya ang pananabik na kanyang nararamdaman para sa ikabubuti ng kanyang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Nag-iwan ng payo si Osang sa ating mga kababayan sa pagharap nila sa lahat ng hamon ng kanilang buhay. Ayon sa kanya, kailangan daw nating magpatuloy sa pagkilos at paglaban. Dagdag pa niya, kailangan raw nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang makamit natin ang isang maganda at maginhawang buhay.

Congratulations Kababayang Osang! Nawa’y malayo pa ang iyong marating sa tinatahak mong landas! Manatili ka sanang isang magandang inspirasyon hindi lamang sa ating mga OFW kundi maging sa mga Pilipinong nandito sa Pilipinas.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s