CHERISH MANINGAT-BAE

May maipagmamalaki na namang kababayan ang lahing Pilipino sa katauhan ni Cherish Maningat-Bae, ang kauna-unahang Pilipina na gumanap bilang bida o lead actress sa isang Korean musical. Ang naturang drama ay pinamagatang Arirang Fantasy na itinanghal sa Korea.

Ang Arirang Fantasy ay isang musical drama na nagpapakita ng ups and downs sa buhay ng isang Pilipina na maagang nabalo (na ginanapan ni Cherish) na naninirahan sa Korea kasama ang kanyang biyenan at siyam na taong gulang na anak. Ang musical drama ay naglalayong ipakita ang pagkakaiba ng kulturang Pilipino at kulturang Koreano at mapag-ugnay ang dalawang nasabing magkaibang kultura.

Ang ginanapang role ni Cherish ay tila akmang-akma para sa kanya. Nagkaroon ng pagkakataon si Cherish na makuha ang role nang ipagbigay-alam ito sa kanya ng kanyang kaibigan na nagkataong costume designer naman ng nasabing musical. Si Cherish, na may kaalaman sa teatro at pagdi-direktor, ay una sanang papasok sa musical bilang cultural consultant na magbibigay paliwanag sa mga kulturang Pilipino ngunit matapos mabasa ni Cherish ang script, nakumbinsi siyang naaakma nga siya para sa lead role.

Si Cherish ay nagtapos ng MA Theater Directing sa Korean National University for the Arts. Bukod sa pagtatanghal sa entablado lumalabas na rin siya sa mga Korean TV shows. Siya ay nagdi-direktor din. Bukod sa pagiging Pilipina na may asawang Koreano, ang background ni Cherish ay isang patunay na siya ay nararapat lang para sa role.

Not for fame or fortune

Nang tanggapin ni Cherish ang role sa Arirang Fantasy, wala sa isip niya na ito ang magiging daan niya sa kasikatan o kayamanan. Para kay Cherish, ang pagtanggap niya sa role ay alay niya sa mga Pilipinang kagaya niya ay naninirahan sa Korea at nakapag-asawa ng Koreano. Nais ni Cherish na pataasin ang pagtingin ng lipunang Koreano sa mga Pilipina na sa kasalukuyan ay napakababa kung tratuhin at minamaliit ng ibang Koreano. Dagdag pa niya, napakaraming negatibong komento sa mga Pilipina sa Korea at nais niyang matigil ito sa pamamagitan ng pagtapagtatanghal sa Arirang Fantasy. Ayon kay Cherish, ang musical drama ang magsisilbing simula ng pagbabago sa pagtrato sa mga Pilipina kaya gustung-gusto niya talaga itong gawin.

Sa katunayan, hindi na nga pinag-audition ng director si Cherish. Unang ikinonsidera si Cherish na gumanap bilang lead role sa 10 sa 40 shows ng drama ngunit dahil sa kanyang talento at angking galing, siya na ang tuluyang gumanap bilang lead actress sa buong run ng drama.

Adjusting to Korean work culture

Para kay Cherish, ang makatrabaho ang mga Koreano ay isang learning experience. Ayon sa kanya, isa raw sa mga dahilan kung bakit nagtagumpay ang Arirang Fantasy ay dahil sa chemistry nila ng kapares niyang lead actor na isang Koreano.

Ang drama ay isang travelling musical na tinatanghal sa iba’t-ibang lugar. Ang lead actor, na isang sikat na komedyante sa Korea, ay madalas daw magbato ng mga linyang wala sa script. Isa raw itong hamon para kay Cherish ngunit nagagawa niya raw sakyan ang mga banat ng kanyang kapareha kahit pa hindi siya Koreana. Dahil sa kanyang kagalingan sa pagsakay sa mga adlib ng kanyang kapareha, naging masaya at maayos ang takbo ng drama.

Ngunit hindi raw sa lahat ng pagkakataon ay laging may pagkakaunawaan sa set. Ayon kay Cherish, sa tagal na raw ng pakikisama niya sa mga Koreanong aktor ay naging kumportable na sila sa kanya at nakakalimutan na raw ng mga kasamahan niya na hindi siya Koreano. Nasasabihan daw siya minsan ng kanyang mga katrabaho kung bakit hindi niya sila maunawaan. Paminsan pa nga raw ay nagagalit ang kanyang mga katrabaho ‘pag ‘di sila magkaintindihan. Ito ay dulot na rin ng pagkakaiba ng kanilang kultura.

Naalala ni Cherish na minsan daw ay umiyak siya nang mapagalitan siya dahil naunahan niya sa pag-upo sa make-up chair ang mga beteranong Koreanong aktor. Noong una raw ay hindi pa kasi niya alam na dapat palang paunahin sa pag-upo ang mga mas nakatatandang aktor. Sa kulturang Koreano kasi, kapag inunahan mo sa pag-upo ang mas nakatatandang aktor, ito ay tanda ng kayabangan o pagiging mapagmataas.

Marami raw pagkakaiba sa kulturang Pilipino at Koreano kaya kung minsan daw ay madalas siyang masita ng kanyang mga kasamahan sa pag-aakala nilang mali ang kanyang ginagawa. Malimit na lang daw ang pagpapaalala ng kanilang direktor na iba rin ang kulturang Pilipino para nang sa gayo’y mapanatili ang pagkakaisa at pagkakaunawaan sa set.

Breaking misconceptions about Filipinas

Ang pagganap ni Cherish sa Arirang Fantasy ay nagpaigting ng kanyang kagustuhan na mas bigyang-pansin ang kalagayan ng mga kababayan natin sa Korea.

Nais tulungan ni Cherish ang kanyang mga kababayan sa Korea dahil nakikita niya ang kanyang sarili sa kanila. Nais daw niyang maranasan nila ang nararanasan niyang kaginhawaan at kasiyahan sa buhay. Nais ni Cherish na ipaalam sa ating mga kababayan sa Korea na pwede namang maging maayos at maginhawa ang pakikitungo sa mga kamag-anak ng asawa nilang Koreano. Kung alam lang daw ng mga kababayan natin ang kulturang Koreano, magiging mas madali raw ang pakikitungo nila sa mga biyenan nilang Koreano. Sa pamamagitan daw ng musical, maipaparating daw ni Cherish ang mensaheng ito sa mas nakararami nating kababayan.

Para maitama pa ang mga maling pagtingin sa mga Pilipino at mapag-ugnay ang dalawang kultura, si Cherish ay nagsasalita rin minsan ng Tagalog sa drama at kinanta pa nga niya ang awiting Anak ni Freddie Aguilar.

Plans to go international

Dahil tagumpay ang pagtatanghal ng Arirang Fantasy, binabalak nang gawing global ang pagtatanghal ng drama at ii-sponsoran pa mismo ito ng Korean government. Ang naturang tagumpay ng drama ay isang patunay na ang lahing Pilipino ay magaling sa kahit anumang larangan siya iharap. Buong-pusong hawak ni Cherish ang bandila ng Pilipinas sa Korea at suportado siya ng ating mga kababayan doon.

Sa pamamagitan ni Cherish, kanyang pinakita na ang lahing Pilipino ay may pagpapahalaga sa pamilya, may paggalang sa kultura ng iba at higit sa lahat, ay marunong makisama sa ibang tao.

Para sa ating mga kababayan sa Korea, si Cherish ay isang patunay na hindi dapat minamaliit ang lahing Pilipino dahil kanyang ipinakita na maraming magagandang katangian ang lahing Pilipino.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s