Pagmuni-muni tungkol sa Himpapawid: Anong Lasa ng Pag-Asa?

himpapawid_poster_720_75-dpi_suar

Babala: May kaunting spoilers!

Hindi ko kailanman mauunawaan kung paanong maging mahirap (‘yong maging isang kahig, isang tuka). Sa panonood ko lang ng mga dokumentaryo at indie nalalaman kung paanong maging mahirap. Kung paanong ‘yong kinakapitan mong pag-asa ay hindi ka naman talaga maisasalba. Biruin mo ‘yon, halos araw-araw nang ulamin ng mga mahihirap ang pag-asa ngunit wala naman silang napapala? Sa mundong ito kasi, lahat umaasa, maski ‘yong mga nasa tuktok ng tatsulok. Pati sa pag-asa, may kahati ang mga mahihirap. Eh ano bang dapat isahog sa uulamin mong pag-asa kung wala ka namang pera, ‘di ba? Pera. Puta.

Pera kasi ang nagpapatakbo sa mundong ito. Tingnan mo si Raul, gustong magkaro’n ng maayos na trabaho sa ibang bansa para matulungan ang maysakit na ama. Gusto niya ring umuwi na rin lang sa Romblon para nga maaalagaan ang tatay niya. Saan ba talaga siya pupunta? Sa ibang bansa o sa probinsya? At dahil wala nga siyang pera para pumunta sa kung alinman sa dalawa, nandito siya sa Maynila–ang purgatoryo na nagbibihis paraiso.

Akala siguro ni Raul, gaya ng maraming iba pa, na wala sa probinsya ang ginhawa kundi nasa Maynila. Nahihikayat ba ang marami na pumunta rito dahil maraming mayaman sa Maynila? O nagsasawa na sila sa kahirapan sa probinsya na gusto naman nilang matikman kung ano ang lasa ng pag-asa sa Maynila? Bagong sahog, bagong lasa, ika nga.

Sa panonood ko ng Himpapawid, nariyang matawa ko sa panggigigil ni Raul sa amo niya na ayaw siyang palibanin sa trabaho; sa panggigigil niya sa mga napapanood sa balita; sa panggigigil niya sa empleyado ng recruitment agency; sa panggigigil niya ro’n sa babaeng ayaw siyang paunahing magpaphotocopy kahit isa lang ang ipagagawa niya; at maging do’n sa panggigigil niya kay Diana. Sa kagustuhan ni Raul na magkaro’n ng magandang buhay, wala siyang ibang magawa kundi manggigil na lang. Manggigil na magbago na sana ang kanyang buhay. Pero ‘yong pagtawa ko nauwi rin sa ismid kalaunan dahil naisip ko, nangyayari ang lahat ng ito sa totoong buhay. ‘Yong tipong araw-araw na lang naliligo ‘yong mga hikahos sa kamalasan kahit pa araw-araw rin silang kumakain ng pag-asa. Lintik na buhay!

“Hindi ako masamang tao,” sabi ni Raul. Hindi nga, totoo naman. Ngunit dulot ng kanyang kahirapan at kabaitan, napilitan na siyang gumawa ng masama. ‘Yon nga, hinijack niya ‘yong isang eroplano, hinold-up ‘yong mga pasahero, at saka tumakas gamit ang gawa niyang parachute.

Sa kasagsagan ng pelikula, maya’t-maya ang daan ng eroplano at maya’t-maya rin ang pagtingala ni Raul para makita ito. ‘Yong eroplano kasi ‘yong pag-asa niya upang (1) makapuntang ibang bansa, (2) makauwing Romblon, at (3) makaahon sa kahirapan. Nakasakay nga siya ng eroplano—kaunting tikim sa pag-asa—halos makamit na niya ang nais niyang kalayaan. Ngunit nasawi siya matapos niyang tumalon mula rito–diretso sa bukirin, diretso sa putik. Oo, mabait na tao si Raul kaya namatay siya agad nang hindi man lang natitikman ‘yong mga ninakaw niya. Hindi masamang damo kaya namatay agad. Mabait siya, mahirap nga lang.

Ano nga bang lasa ng pag-asa? Mapakla.

Napakagaling ng pagkakaarte ni Raul Arellano sa pelikulang ito. Damang-dama ko ‘yong pagkabigo sa mukha niya, sa katahimikan niya, at sa panggigigil niya. ‘Yong mga “buryong scene” niya sa pelikula, natahimik talaga ko ro’n. Habang nanonood, dinadala ko ni Raul sa buhay ng karakter niya, hindi lang basta sa pelikula.

Tungkol kay Raul Arellano

Tungkol sa tunay na pangyayari kung saan hango ang pelikulang Himpapawid

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s