Baybayin Atbp.

Ilang mga natutunan ko sa Baybayin workshop na inorganisa ng National Commission for Culture and the Arts:

* Pagdating ng mga Español sa Pilipinas, ginawa nila ang lahat para mabura ang paganismo at Islam upang maitaguyod ang Katolisismo. Sa kabila nito, may ilang kaugaliang Muslim ng Luzon na nanatili hanggang sa kasalukuyang panahon. Isa na rito ang katagang “ala eh” sa Batangas. Hango pala ito sa Allah na siyang laging pambungad na bati ng mga Muslim (Allahu Akbar, Alhamdulillah, etc.).

* Napakanatural pala ng bahay kubo. Kaya ito mataas at wala halos laman sa ibaba ay para iwas sa baha. Kaya naman napakataas ng bubong nito na halos patulis na sa tuktok ay upang lumihis ang patak ng ulan sa magkabilang gilid ng bubong. Kumbaga, iwas tulo. Kaya naman nipa ang gamit ay sa kakayahan nitong umangkop sa panahon. Kapag mainit ay natutuyo ang nipa, dahilan para magkaro’n ng mga kaunting siwang sa bubong at dingding. Ibig sabihin, makapapasok ang hangin. ‘Yon ang natural na bentilasyon. Wala pang kisame kaya naman napakaaliwalas talaga. Kung maulan naman o malamig ang panahon, kumakapal ang nipa, dahilan para hindi gaanong pumasok ang lamig sa kubo. Samakatuwid, mainit man o malamig, laging maginhawa sa loob ng bahay kubo.

* Natutunan ko na ‘to rati at hindi ko alam kung may sapat bang ebidensya (na siya’y Filipino). Ayon sa ilang historyador, “Filipino” raw ang unang tao na naikot ang mundo. Ito raw ay si Enrique (pangalan niya matapos siyang binyagan ng mga Español). Siya’y galing ng Malacca at marunong mag-Cebuano, kaya baka raw Filipino siya’t hindi talaga Malaysian/Indonesian. Dinala siya sa Europa matapos masakop ng mga Portuges ang Malacca. Sa paglalakbay ni Magellan pa-Moluccas gamit ang rutang pa-Pasipiko, kasama pa rin niya si Enrique. Samakatuwid, nakaikot na siya sa mundo sa pagkakataong ito (Malacca > España gamit ang rutang Atlantiko; España > Mactan gamit ang rutang Pasipiko).

* Mataas talaga ang pagtingin sa mga babae noon at nabago lang ang lahat pagdating ng mga Kastila. Mga frayle ang nag-utos na pagdamitin ang mga babaeng walang pang-itaas. Maliban dito, mas hanap pala ng mga lalaki noon bilang asawa ay hindi mga birhen o mga bata pa kundi mga nabyuda’t may anak na. Pagtitiyak kasi ito na kung pipiliin ng lalaki ang may anak na, siguradong mabibigyan ulit siya nito ng bata. Isa pa, ang mga byuda ay subok na rin daw sa pagiging ina at pagiging kasama sa buhay. Bakit ka nga naman daw tataya sa birhen at bata pa kung walang katiyakan sa pag-aanak ito at wala pang alam sa pagiging asawa? Isa pa, hindi raw kinikilala noon ang mga dokumento hangga’t wala ang pirma ng mga babae. Samakatuwid, makapangyarihan noon ang mga babae. Kaya nga raw walang “under de pantalon” kundi “under de saya” lang kasi nga, mas makapangyarihan ang babae kaysa sa lalaki. May pagkakapantay-pantay rin sa mga kasarian noon. Kaya nga hanggang ngayon wala tayong panghalip panao na tumutukoy sa babae o lalaki. Hindi kagaya ng “he” at “she” sa Ingles, ang mayroon sa wika natin, “siya, niya, kaniya, atbp.” Isa pa, maging sa alamat natin ay may pagkakapantay-pantay ang babae at lalaki. Sa iba, galing ang babae sa tadyang ng lalaki; sa atin, sina Malakas at Maganda ay galing sa iisang kawayan at sabay pang lumabas mula ro’n.

* Sa Baybayin, pareho lang ang simbolo ng e at i, o at u. Hanggang ngayon dala natin ‘tong mga Filipino kaya malimit mapagpalit ang mga nasabing titik. (Bawal umihi/umehe rito; babae/babai; lalaki/lalake, atbp.). Isa pa, walang titik r sa Baybayin at gamit na pamalit dito ay ang titik d. Ito ang dahilan ng napagpapalit na daw at raw.

* Ilan sa mga pinagmulan ng simbolo sa Baybayin:

  • Ka – Mula sa salitang katig. Kaya para ring katig ang simbolo ng titik na ito.
  • Ba – Mula sa salitang babae. Kaya mukhang pusong pabaliktad ang simbolo ay dahil noong unang panahon nga, walang damit pang-itaas ang mga babae. Samakatuwid, dibdib/suso ang ginamit na simbolo.
  • E-I – Hango sa dalampasigan at alon.
  • La – Galing sa salitang lalaki. Kung titingnan ang titik la, ito ay hango sa bahag na pangunahing suot ng mga kalalakihan noon.
1313955331-29935-4

Kuha mula sa Facebook ng NCCA.

Advertisements

2 thoughts on “Baybayin Atbp.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s