Payong Kaibigan

Bry,

Kung sa tingin mo’y hindi nagsasabay ang problema sa pamilya at problema sa pag-ibig, nagkakamali ka. Nagkamali rin naman ako sa pag-aakalang hindi ako magkakaproblema sa dalawang aspektong ‘yan ng buhay. Hindi na nga yata tamang gamitin ko pa ang salitang “problema” dahil higit sa pagsubok, ang pinagdaraanan ko’y suliranin. Biruin mo ba naman, niloko ko ng aking kasintahan at ang mas masakit, kapatid ko pa ‘yong pinalit sa’kin. Hindi nga pinalit eh, pinagsabay pala kaming dalawa. At ito namang nakababata kong kapatid na pinag-aaral ko pa man din, pumatol pa talaga sa loko-lokong ‘yon. Ang mas nakakainis pa, hanggang ngayon sila pa rin—ayaw man lang pairalin ang delicadeza. Dalawang relasyon tuloy ang may lamat sa buhay ko ngayon, ‘yong relasyon ko sa lalaking ‘yon at ‘yong dati kong maayos na relasyon sa aking kapatid. Ano bang dapat kong gawin?

 

Nagmamahal at nasasaktan,

Racquel


Racquel,

Sa totoo lang, kung may hihigit pa sa salitang “suliranin” para ilarawan ang pinagdaraanan mo, mas akmang gamitin ‘yon. Ano nga bang mas hihigit pa sa “suliranin”? Ah, katotohanan. Mas masakit nga naman ‘yong katotohanan kasi sinasampal ka nito at kahit hindi mo ito isipin, nand’yan lang ito’t hindi nagbabago. Parang mga gamit mo sa kwarto na pagbalik mo matapos ang mahabang bakasyon sa malayong lugar, gano’n pa rin ang hitsura’t pwesto—walang pinagbago. Gano’n ‘yong katotohan, nananatili kahit anumang mangyari sa’yo. Hindi ka nito iisipin, ang kawalan man o ang presensya mo. Kaya nahihigitan nito ang “suliranin” kasi ang problema lumilipas, ang katotohanan hindi.

At dahil dinaraanan mo pa ‘yong problema ngayon at wala ka pa sa dulo nito—siguradong malayo pa ‘yon—mas maiging sa bawat paghakbang mo papalapit do’n, harapin mo na ‘yong katotohanan. Una, na wala na ‘yong lalaking mina(ma)hal mo, at wala ka na dapat paki sa kanya—kahit meron pang katiting. Pangalawa, na nagkalamat nga ‘yong relasyon niyo ng mahal mong kapatid at masakit man, kailangang magkaayos kayong muli. Sa bandang huli, ano nga ba ‘yong kailangang manatili? ‘Yong sakit na dinulot no’ng lalaki o ‘yong muli niyong pagbabati ng iyong kapatid? Mas may pag-asa sa huli.

Oo, iisipin mo na may kasalanan din siguro ‘yong kapatid mo kung bakit nasasaktan ka ngayon. Ano ba namang tanggihan niya ‘yong mga pahiwatig no’ng lalaki ‘di ba? Pero bansagan mo man siyang malandi, maharot, o matigas ang ulo, siguradong kagaya mo, nagmahal lang din siya. Lintik. Iisang lalaki nga lang ‘yong napili niyong dalawa. At higit sa lahat, bilang kapatid, lalo na’t mas nakababata, hindi naman niya siguro gustong saktan ka niya. Pinag-aaral mo pa nga siya ‘di ba? Kailanman, hindi nga siguro magiging tamang dahilan ‘yong “nagmahal lang ako” sa bawat pagkakamali ng tao dahil hindi rin kailanman magandang pakinggan na “nasaktan ako dahil nagmahal ka lang.”

Ngayon, sa’n ka lulugar? Maghanap ka muna ng isang sulok kung saan tatanggapin ng sulok na ‘yon lahat ng sakit at galit na kaya mong ilabas. Gamitin mong pintura ‘yong luha mo para lumiwanag ‘yang dingding ng kinalalagyan mo ngayon. Pwede ka ring sumigaw sa tapat ng pader hanggang ibalik sa’yo nito ‘yong binulyaw mo—susubukin ka kasi kung kaya mo nang tumanggap ng sakit. O kaya, manatili ka lang na walang imik sa kantong ‘yon at hayaan mong basagin ka ng katahimikan. At magpabasag ka. Pero tandaan mo, hindi ka habambuhay lulugar sa sulok ng ‘yong kalungkutan at poot. Tatayo ka rin diyan kasi nga ‘pag may pinagdaraanan ka, umuusad ka dapat. Tandaan mo rin, kailangan mong sulitin ang iyong galit at kalungkutan, kaya ilabas mo lahat (kung hindi mo pinili ‘yong katahimikan).

Kung sa tingin mo’y medyo bumuti-buti na ang kalagayan mo, sige na, harapin mo na ang ‘yong kapatid. Huwag na huwag mo siyang ayain d’yan sa sulok mo, sa’yo lang ‘yan. Lalong ‘wag mong bitbitin ‘yong sulok mo ‘pag kakausapin mo na siya. Dito mo magagamit ‘yong sinasabi ng mga nanay, “Unawain mo na lang, mas matanda ka naman.” Nasaktan ka na ikaw pa uunawa? Parang ikaw na nga ang nagsakripisyo sa nangyari, ikaw pa ang unang lalapit? Pero ‘yon na nga lang ang gagawin mo, ang lumapit. Hindi naman kasi lumalayo kaya hindi mo na kailangang habulin pa ‘yong kapatid mo. Siguradong gusto rin humingi ng matapat na kapatawaran no’n, alam niya lang kasing nasaktan ka niya kaya siguro nahihiya. Matigas nga talaga ang ulo niya para hindi pa rin hiwalayan ‘yong lalaking dahilan ng pagkasira ng relasyong mag-Ate niyo. Hindi mo pipiliting unawain siya. Pero dapat nga siguro makaramdam din siya ng sakit para malaman niya kung pa’no magmahal ng puro pag-unawa. Kagaya ng ginagawa mo ngayon, minamahal mo na ‘yong kapatid mo, inuunawa mo pa siya.

Pero tandaan mo, hindi porke’t makikipag-ayos ka’y magbubulag-bulagan ka na sa nangyari. Hindi dapat “wala lang” ‘yong pagtataksil at madali nang palipasin. Kagaya ng nabanggit ko na, hindi lumilipas ang katotohanan. Hayaan mong masaktan ka’t ‘wag budburan ng asukal ang nararamdaman mong pait para lang sabihin na ayos ka. Nasaktan ka, malungkot ka at hindi mo dapat itago ‘yon. Hindi mo pipiliting maging masaya agad at mabura lahat ng sakit. Kailangan mo lang makausap ‘yong kapatid mo’t silipin kung may katiting ng pag-asang magkaayos kayo. Pero tandaan mo rin, hindi kailangang ipilit ang lahat. Kailangan mo lang talagang subukan.

Syempre sa pag-uusap niyong magkapatid, hindi siguro maiiwasang magtalo kayo. Hayaan mo lang, sunod siguro ng pagtatalo niyo ay ‘yong “pagpapanalo” niyo sa isa’t-isa. Mahirap ba ipilit ‘yong paglalaro ko sa salitang “pagpapanalo”? Kasi nga mahirap naman talagang ipilit ‘yong mga bagay na sariwa pa. Iwasan mo man o hindi, maipamumukha mo sa kapatid mong nasaktan ka. Na parang hindi ka na niya ginalang bilang Ate. Na hindi niya iniwasang lumayo sa tukso na marami “nang winasak na tahanan.” Pero ‘yon ‘yong bubuuin niyo ngayon, ‘yong tahanan niyong mag-Ate na dati niyong inaalagaan ng maigi.

Ipanumbalik mo ‘yon at ikaw ang magsimula. Tutal nasaktan ka na rin lang naman, ituloy mo na ‘yong pagsasakripisyo. Hindi ka naman naghahanap ng pambawi sa sakit o pampalubag-loob sa lahat ng pait, gusto mo lang ng maayos na buhay. At ang buhay na ‘yon ay hindi magiging maginhawa kung hindi kayo magkakampi ng kapatid mo. Idahilan mo ‘yong kabataan niya sa kapusukan niyang ito. Pero ‘wag mong sisihin ang iyong sarili. Ang mahalaga rito, magkaayos kayo’t makaalpas ka sa tanikalang bumibihag sa’yo’t nagiging dahilan ng mabagal mong pag-usad papunta sa dulo ng pinagdaraanan mo. Sigurado, ‘pag muli na kayong magkaayos, sasamahan ka pa niyang marating ‘yong nais mong puntahan. Kahit sabay niyo pang pasanin ‘yong sulok mo.

Pero higit talaga sa lahat, walang pilitan. Sa bandang huli, buhay mo pa rin ito. Manalo, matalo, ikaw ang matututo.

 

Nakikialam at nagmamagaling,

Bry

030216
Para kay Lehcarhtur


Lahok sa Saranggola Blog Awards

d3cf5-sbasba

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s