Gawi

398417_2226074071262_1153442526_n

Disyembre 31 ng nakaraang taon nang ipasabit sa’kin ni Mama sa pinto ang isang koronang yari sa prutas. Pawang bubot ang mga dalandan na mas lamang lang ng kaunti sa laki ng kalamansi. ‘Yong nasa gitna namang pinya ang kasinlaki ng isang normal na dalandan. May maliit pang laso ito na madali rin namang natanggal. Sa baba ng alambreng nagsisilbing pansabit sa pako’y nakadikit ang ang pao. Pinalagyan ni Mama ng malutong na bente sa loob. Sabi niya’y pampaswerte raw itong korona ng prutas. Sa’kin nama’y pampaswerte ‘yong bente sakaling mawalan ng pamasahe bago lumabas ng pinto o makaramdam ng gutom sa oras ng merienda. Swerte naman ng manga-ngaroling o kakatok na manghihingi ng limos na ‘pag walang barya’y, ‘yong nasa ang pao ang dudukutin ko.

Wala pa yatang isang buwan ay nabulok na agad ‘yong mga dalandan. Ang dating kulay luntia’y nagbihis lupa na. Sa sobrang kulubot ng balat ng mga prutas ay nagmistulang putik itong natuyo’t nanigas matapos ang walang humpay na pag-ulan. Putik sa mga bakuran na minsa’y taguan ng mga langgam—madaling madurog. Hindi ‘yong putik sa bukid na malalim at makapit. Ang pinya naman sa gitna ng korona’y malapit na ring mabulok. Unti-unti nang kinakain ng kulay itim at kayumanggi ang mga kulay dilaw na nananatiling matatag. Ang napakarami nitong mga mata’y tila lumulubog na’t naubusan na ng katas sa loob. Nakiusap ako kay Mamang itapon na ang korona dahil hindi na ito kaaya-aya. Baka kasi hindi pumasok ang swerte sa bahay kung ang tatambad dito’y mga bulok na bubot na prutas. Baka maski mga bisita’y lumayo ‘pag nakita ang nakasabit sa pinto.

Lumipas pa ang maraming buwan at naroon pa rin ‘yong korona. Lalong pumangit ang hitsura. Sa katunayan, bukod sa pinto, ‘yong mismong mga dalandan ay pwede nang katukin. Sobrang tigas na kasi ng mga ‘yon at malutong ang tunog ‘pag ito’y nagalaw. Lalong nangitim ‘yong mga dalandan at mukha ng uling ang mga ito. Ang dati namang nangingibabaw na pinya’y mukha ng kono ng konifer. Mukhang walang gumagalaw sa gayumang ito ni Mama—maski siya. Nandidiri sigurong hawakan ‘yong mga prutas na mukhang etsas. Parang nando’n lang ‘yong koronang iyon at walang ibang silbi kundi manatili lang do’n. Sinasabayan ang pagbukas at pagsara ng pinto. Nakikipagniig sa lamig ng gabi’t nakikipagtuos sa init ng araw. Naghihintay na bumigay ang alambre o ang pako o si Mama. Minsa’y hinahawakan ko ang mga kawawang prutas, sinusubukang tanggalin sa pagkakasabit at itago sa basurahan. ‘Di ko lang magawa dahil baka hanapin ni Mama. Malakas nga ang pakiramdam kong ‘di na niya alam na may gano’ng dibuho sa’ming pintuan—nilimot na niya ‘yong nang-aakit ng swerte.

2015 na mamaya’t nakasabit pa rin ‘yong korona ro’n sa pinto. Nakapatong sa gintong kampana sa taas ng gintong Merry Christmas. Pinatingkad ng mga pamaskong dekorasyon ‘yong kabulukan nito. Matayog pa rin ‘yong mga prutas at ayaw ipagalaw ni Mama. Hindi natitinag. Takot ko lang, baka palitan niya lang ‘to ng bago kung naisipan na niyang itapon ito. Wala man lang nga yatang swerteng pumasok. Basta mamaya, paglipat ng taon, una kong gagawi’y dukutin ‘yong bente ro’n. Ipapahinga ‘yong mga prutas sa’ming basurahan saka sasabihin sa harap ni Mama, “Ma, swerte ko, may bente sa ang pao!”

Photo-0233

123114

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s