Baso

Anim na pirasong barya
Aking inabot sa pulubi
Na nakatira sa tulay.

Dalawang lima
Dalawang piso
Dalawang bentsinko.

Kumalansing ang limos
Sa basong gamit din
Niya bilang inuman.

Iniwan ang nilalang ng lansangan
Nakapikit at nakahiga
Umaasa sa baso ng kanyang buhay.

Ewan ko kung ako lang ang may ganito:

‘Yong may paborito kang pulubi na iyong kinaaawaan sa tuwing makikita mo siya at siya rin ‘yong paborito mong bigyan ng limos kahit ang daming ibang nanghihingi rin sa’yo. Bihira akong magbigay ng limos sa mga nanlilimos. Una sa lahat, may batas na pinagbabawal ang pagbibigay ng limos. Pangalawa, ayaw ko kasing kunsintihin ‘yong gano’ng pamumuhay nila. Sa katunayan, sa mga lolo’t lola na pulubi lang ako nag-aabot ng limos. Hinding-hindi sa mga Batang Hamog, Badjao at ‘yong mga “Namatayan, Pang-Ospital at Pangkain” daw. Bihag ako ng ilan kong prinsipyo (at isyu) kung bakit pinipili ko ‘yong binibigyan ko.

Pero meron akong paboritong pulubi na lagi kong nadaraanan sa footbridge ng EDSA Central. Una ko siyang nakitang gumuguhit ng kung ano-ano do’n sa pwesto niya. Ang ganda nga ng mga ginuguhit niya—tuwid ‘yong linya’t akala mo’y arkitekto o karpintero; kapansin-pansing pulido talaga ang kanyang sining na kalimita’y parisukat, parihaba, tatsulok at kung anu-ano pang mga hugis. Nagsasalita rin siya mag-isa’t laging tinuturo ‘yong mga hugis na kanyang kinatha. Inisip ko, ano kaya ‘yong meron sa mga ‘yon?

Ayun! Lumambot puso ko nang makita kong sa dulo ng kanyang mga ginuguhit ay ang salitang “YOLANDA.” Malamang isa ito sa mga galing sa Visayas na biktima ng Yolanda na dinala sa Maynila’t napabayaan. Nawala na nga sa katinuan, hindi pa nabigyan ng karampatang tulong. Nawalan na nga ng ari-arian at ng pamilya, nawalan pa ng pag-asang magpatuloy ng magandang buhay. Saka ko lang napagtanto kung ano ‘yong mga ginuguhit niya—hindi kaya iyon ‘yong dati niyang tirahan? ‘Yong lugar kung saan siya huling nabuhay ng may pag-asa kasama ang kanyang mga mahal sa buhay?

Alam kong hindi lubusang nakakatulong ‘yong paunti-unti kong abot ng barya’t pagkain sa kanya. Kahangalan nga yata na isipin na nakakatulong ako sa kanya gayong sa sarili ko’y ‘di ako nakukuntento sa kung anumang nakakaya kong ibigay.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s