Barter

Ngayon na lang ulit ako nakabalik dito sa Altura mula nang lumipat kami sa Mandaluyong. Halos wala pa rin namang pinagbago ‘yong lugar bukod sa mga negosyong nawala’t napalitan din naman ng bago. Napansin ko rin na ‘yong mga tao rito, kagaya pa rin ng dati. Kung ano ‘yong ginagawa nila nang umalis ako’y ‘yon pa rin ang ginagawa nila pagbalik ko. Nakakatuwa rin na makita silang muli. Ang tunay na nagpapaalala naman talaga sa atin sa isang lugar ay hindi ang mga tanawin nito kundi ‘yong mga tao.

Sa pagtawid ko sa footbridge, nando’n pa rin ‘yong mga basurang nakakalat sa daan. Pangkaraniwan na rin naman ‘yon kahit saan kaya hindi na ko nagpaka-sentimental. May kaunting kurot sa puso nang makita kong nakapwesto pa rin do’n sa gitnang bahagi ng footbridge si Kuyang nakasalamin na nagbebenta ng shades at ngayo’y meron na ring mga laruang ipis, gagamba at alupihan. Napansin kong nagre-repair na rin pala siya ng payong. Kagaya ng dati, ‘pag walang bumibili’y sumisipol siya habang nakamasid sa kawalan. Nakasabit pa rin sa short niya ‘yong nail cutter na madalas niyang gamitin ‘pag ilang ang oras. Do’n pa rin siya nakaupo sa konkreto na humahati sa footbridge para sa mga naglalakad sa kaliwa at kanan. Naalala ko no’ng bata ako, kagaya ng iba ring bata, isasampa ako ro’n ng kung sinumang kasama kong matanda at do’n ako maglalakad. Nakakalula bagaman nakamamanghang tanaw na tanaw mo ‘yong mga rumaragasang sasakyan sa baba. Hawak naman ako sa kamay no’n ng kasama ko kaya ligtas naman kahit nakakatakot. Ngayong matanda na ko’y ‘di ko na kayang gawin ‘yon dahil sa takot ko sa matataas na lugar. At ‘di ko nga talaga magagawa dahil nakaupo ro’n si Kuya. Sana kung gaano kaitim ‘yong initim ni Kuya habang nakaupo sa ilalim ng nakapapasong init ng araw ay gano’n din kalaki ang kanyang kinikita. Para ‘yong himig ng sipol niya’y maiba naman.

Habang nakatayo sa harap ng Puregold, nakita kong bumaba ng jeep ‘yong Lolo na nagbebenta sa Burgos ng school supplies at kung anu-anong abubot at laruan na patok sa mga bata. Nakatitiyak akong galing siyang Divisoria dahil may bitbit siyang malaking plastik na siguradong naglalaman ng kanyang mga paninda. Sa tanda niyang ‘yon, nakakakaya pa pala niyang makipagbrasuhan at siksikan sa Divisoria. Nakaramdam ako ng kaunting awa nang makita kong medyo madungis siya, pawisan at mukhang pagod. Pahinga niya kaya ‘yong kada bayad na nakukuha niya sa kanyang paninda? Buti na lang pala’t nakakabili ako sa kanya noon kaya nakakaambag ako sa kanyang pahinga. Pero kahit gaano karami ang mag-abot ng bayad sa kanya’y nakakapagpahinga nga kaya talaga siya? Mukha pa ring siyang pagod sa kabila ng kanyang kinikita.

Minsan iniisip ko na ‘pag bumili ako kay Kuya at Lolo’y nakakatulong ako—kunin ko man ‘yong sukli o hindi. Sabi nga ng dati kong kasintahan, kung tutulong daw ako sa tindero’y abutan ko na lang ng pera’t ‘wag nang kunin ‘yong paninda para mabenta pa niya sa iba. Pero magugustuhan ba ng mga tindero ‘yon? Hindi naman sila pulubi’t nabubuhay naman sila ng marangal. Baka kung gawin ko ‘yon ay isipin nilang minamaliit ko sila at ang kanilang kakayahan na makaraos sa buhay. ‘Di ko na lang kukunin ‘yong sukli’t tatanggapin ‘yong binebenta niya bilang alaala ng pagtulong ko sa kanya. Malabo pa rin sa’kin kung nakatulong nga ba ako.

Wala pa ring pinagbago ‘yong buhay ng dalawang tinderong ‘yon. Nabubuhay pa rin silang puhunan ay pagod at ang kita’y barya lang. Wala naman talaga kong nagagawa para makatulong sa iba. Wala rin pala kong pinagbago. Narito pa rin ako’t nagmamasid lang sa ibang tao.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s