Remata

Sinangla ko pala ‘yong puso ko sa’yo’t kailangan ko nang kunin ngayon. Pupuntahan sana kita riyan sa inyo kaso naisip ko, baka hindi ko rin mabawi ‘yon dahil wala ka namang inabot sa’king papel de ahensya o patunay na nagkaliwaan nga tayo nang ialok ko sa’yo ito. Ang tanging pinanghahawakan ko lang bilang patunay ay ang aking mga salita—buti sana kung tatanggapin mo ‘yon.

Kailangan ko na ‘yang puso ko dahil ang hirap mabuhay ng wala ito. Nasasabik na kong maramdaman muli ng aking mga palad ang pagtibok nito na tila tumatagos sa aking dibdib. Hindi naman maaaring hawakan ko ang dibdib ng iba para lang makadama ng puso. ‘Yong puso mo ba, ipaparamdam mo sa’kin? Malamang hindi. Nasasabik na kong makarinig muli ng tibok ng puso. Hinahanap-hanap ko na ‘yong puso ko at alam kong hinahanap na rin ako nito. Kung nasaan man ang puso ko ngayon—kung wala na nga talaga sa’yo—natitiyak kong sumisigaw ito’t naghahangad na makanlong muli ng aking dibdib at makaniig ang buo kong katawan mula bumbunan hanggang talampakan. Walang pagod din akong sumisigaw at nagbabaka-sakaling marinig ng aking puso ang aking tinig—imposibleng maglakad ito patungo sa akin; imposibleng marinig nga nito ang boses ko; at, imposibleng makasigaw din ito. Sino ngayon ang aasahan ko? Ikaw.

Bakit ko nga ba sinangla ‘yong puso ko sa’yo? Hindi ko kailangan ng kahit ano noon at walang kapalit nang ibigay ko sa’yo ito. Inalok ko sa’yo ito para mayroon kang alagaan at ingatan—hindi bilang hayop o halaman kundi bilang bahagi ng iyong katawan. Inalay ko sa’yo ito para malaman mong may nilalang na kaya kang bigyan ng pinakamahalagang bahagi ng pagkatao niya—upang maramdaman mong ikaw ‘yong mahalaga’t hindi siya.

Pero nagsawa kang ingatan at alagaan ito. Isinilid sa isang itim na kahon, inilagay sa ilalim ng ‘yong aparador, hinayaan do’n ng matagal na panahon at nang tanungin ko sa’yo kung nasa’n na, wala kang nasagot kundi isang mahabang pagtulala. Baka itinapon ng kung sinumang kasama mo sa bahay dahil akala niya’y basura ito dahil ito’y duguan, wasak, durog, sira at hindi na mukhang puso.

Nasa’n na ‘yong puso ko? Kailangan ko na itong muli dahil kailangan kong bumawi sa mahabang panahon na hindi ako naging “ako” sa sarili kong puso.

Baka naman sinangla mo rin sa iba ng walang kapalit. Buti sana kung ‘yong puso mo’y pinahiram mo rin sa’kin.

112314

Advertisements

3 thoughts on “Remata

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s