Manong Guard Duties

Napaka-versatile ng mga Manong Guard sa Pilipinas. Bukod kasi sa pagiging simpleng security guard lang na dapat nagbabantay sa kaligtasan ng kanilang mga kliyente at nagsisiguro sa kaayusan ng kanilang binabantayang gusali, napakarami pa nilang kayang gawin.

Receptionist

Sa tuwing papasok ka sa isang fast food, restaurant, convenience store o anupamang gusali, nariyan si Manong Guard para pagbuksan ka ng pinto sabay bati ng “Welcome, MamSer!” ‘Pag palabas ka na, pagbubuksan ka ulit niya ng pinto sabay bati muli ng “Salamat, MamSer!” Sa palagay ko, hindi dapat sila maging tagabukas ng pinto. Bakit ba rito sa Pilipinas, ang tamad ng mga tao? Hindi na nga kayang (o alam) i-push o i-pull ang pinto, ‘di pa magawang mag-“Thank you po” kay Manong Guard.

Service Crew

‘Pag undermanned o busy ang mga empleyado sa isang fast food, automatic na nagiging service crew si Manong Guard. Siya na nga nagbukas ng pinto pagpasok mo, siya pa maglilinis ng mesang kakainan mo. Minsan nga sa Chowking, si Manong Guard pa mismo ang nag-serve ng pagkain sa akin. Sabi ko na lang sa kasama ko, “Malamang safe ‘tong kakainin ko. Security guard ang nag-serve eh.” Hindi dapat maging service crew ang mga gwardya dahil dapat nakatuon lang ang kanilang atensyon sa pagbabantay. Mahirap na kung masalisihan.

Parking Boy

Ewan ko ba sa mga Manong Guard kung bakit sila pumapayag na maging parking attendant/traffic enforcer para sa mga kliyente nilang de-kotse. Dahil ba sa tip? Ewan. Tanggap ko pa ng kaunti ‘yong mga Manong Guard na tatanggalin ‘yong kurdon sa paradahan para lang makaparada ang customer nila. Pero teka, bakit ba ang mga may kotse kailangan pang may taga-mando ‘pag sila’y paparada o aalis na? Hindi ba’t dapat marunong na silang pumarada dahil marunong silang magmaneho? Ang nakakainis pa nga minsan, taga-payong pa sila ng mga napakagaling magparada na driver! Kawawa naman tuloy si Manong Guard, imbes na nagpapalilim, este, nagbabantay, nabibilad pa sa araw.

GPS

Simple lang. ‘Pag naligaw ka sa isang lugar, si Manong Guard ang tanungan mo ng direksyon. Nakasisiguro ako na ituturo niya ang lugar na iyong pupuntahan. O ituturo ka sa iba pang gwardya na pwede mong pagtanungan.

Syempre, Guard!

Syempre ang trabaho ng mga gwardya ay bantayan ang isang establisyemento at mga tao sa loob nito laban sa mga magnanakaw, shoplifter, mananalisi, kriminal at siguro pati na rin sa mga nagpi-PDA at teenagers na overstaying na sa pagtambay dahil ang tagal ng kasama nila. Saludo nga ko ro’n sa mga Manong Guard na alerto at talagang ginagawa ang kanilang trabaho eh:

  • Ang titigan ako kahit saan magpunta. Mukha ba kong shoplifter?
  • Ang titigan ako kahit anong kunin kong produkto. Mukha ba kong walang kakayahang bilhin ‘to?
  • Ang titigan ako kung ginagalaw ko ang aking bulsa o bag. Bawal na bang kapain ang bulsa o tingnan ang bag kung nando’n pa ang mga epektos ko?
  • Ang titigan ako kung tinititigan ko siya. Bawal na rin bang titigan si Manong Guard? Eh gusto kong makipaglaban ng titigan sa kanya!

Minsan nga’y naiirita talaga ko sa mga Manong Guard na bumo-border na sa pagiging judgmental pero ‘di ko naman sila masisisi, trabaho nila ‘yon kaya inuunawa ko na lang. Una, mukha naman talaga kong shoplifter. Pangalawa, mga gwardya na lang ang tumititig sa akin. Awwyeah!

Bigyan natin ng kaukulang respeto ang ating mga Manong Guard! Tandaan, ang kanilang isang paa ay nakabaon sa hukay para masiguro lang ang kaligtasan ng mga tao at lugar na kanilang binabantayan. Uh-uh.

Bonus Manong Guard Moments

Minsan sa Batangas nakakita ako ng Manong Guard na nagdidilig ng halaman. Binansagan ko siyang Guardener.

Naaawa ako ro’n sa mga night shift Manong Guard na walang sariling pwesto kundi nasa labas lang sila ng mismong establishment na kanilang binabantayan. Parusa kaya ‘yon! Wala na nga silang kausap at nilalamok pa, ‘di pa sila makakatulog ng maayos!

Tinanong ko na rati sa aking mga kaibigan kung ano ba ‘yong maliit na bag na may krus sa likod ng mga Manong Guard? First Aid kit ba ito o Religious Kit? Minsan kasi sa isang balita’y may nag-suicide sa loob ng isang mall, nakita sa video na wala man lang ginagawa ‘yong mga gwardya. Sabi ko tuloy, baka hindi nga First Aid kit ‘yon kundi maliit na bag na may lamang rosaryo, holy water, bibliya at Krus—gagamitin nila tuwing hindi na nila alam ang kanilang gagawin sa isang masamang pangyayari. Amen.

Advertisements

5 thoughts on “Manong Guard Duties

  1. Pero impernes, matitigas, este, matitikas ang mga Manong Guards at ilan sa kanila ay talagang….wag na, maaga pa at Araw ng mga Patay ngayon, por dos por quatro quantos!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s