Mga Kwentong Kababalaghan

Ang sabi, ang mga kwentong katatakutan daw ay bahagi na ng kulturang Pilipino. Hindi raw dapat mawala ito dahil bahagi ito kung paanong nilinang ng ating mga ninuno ang pagiging malikhain nating  mga Pilipino. Bukod rito, nahasa rin nito ang kakayahan ng mga Pilipino sa pagkekwento o pagsasalaysay (oral tradition). Totoo nga namang bukod sa natatakot at nalilibang tayo sa mga kwentong kababalaghan, kinikiliti rin nito ang ating imahinasyon at kakayahang magkwento.

Mula pagkabata’y marami na kong narinig na mga kwentong tila ‘di kapani-paniwala. Ito ang ilan:

Santelmo

Ayon sa aking Tito Dionie, ang Santelmo raw ay isang bolang apoy (fireball) na magpapakita sa’yo para ika’y akitin. At bakit ka nito aakitin? Upang kunin ang iyong buhay at masama ka sa mundo ng mga engkanto. Ang kwento ni Tito Dionie, naglalakad daw siya sa gubat nang may makita siyang lumulutang na bolang apoy. Alam na raw niya agad na ito’y isang Santelmo ngunit sinundan pa rin niya ito. Tila naakit daw siya sa apoy. Sinundan niya raw ang Santelmo hanggang sa lumubog ito sa ilog. Sinundan niya raw ito at lumusong siya sa ilog. Palalim na raw nang palalim ang nararating ng Santelmo sa ilog at palalim na rin nang palalim ang nalalangoy ng aking Tito. Sa puntong ito, natauhan na raw siya’t saka umahon. Nakaligtas siya sa pang-aakit ng Santelmo.

Naikwento ko ‘to sa isang kaibigan at laking gulat ko na sa probinsya nila’y may mga ganito ring kwento. Sadyang napakalawak ng tradisyong Pilipino pagdating sa mga ganitong kwento.

Aswang

Ito ay kwento ng aking Mama tungkol sa isang kabarangay daw nila noon sa probinsya na nakakapagbagong anyo mula tao pa-baboy ramo. Minsan daw sa isang byahe ay tumigil daw ang kanilang jeep pansamantala sa tabi ng ilog. ‘Yong kabarangay daw nilang pinaghihinalaang aswang ay dumadaing na nagugutom na raw siya. Paalis na sana ang jeep ngunit wala pa ‘yong kabarangay nilang “aswang”. Hinanap daw nila ito at sa ‘di kalayuan ay may nakitang isang itim na baboy na kumakain ng damo. Pinaigting nito ang kanilang paniniwala na aswang nga ang kabarangay nilang iyon. Sa iba pang kwento, ang nasabing “aswang” ay pinaghihinalaang kinain daw ang kanyang pamilya sa sobrang gutom nito. Mahirap paniwalaan ang kwentong ito ngunit noon pa ma’y sumasagi na sa isip ko, “Paano kung ang mga aswang ay isa sa mga species ng mga tao? Hindi ba’t hayop din naman tayo? At ang mga hayop ay may iba’t-ibang species?” Isang tanong na mahirap hanapan ng sagot.

Reyna ng mga Ahas

Bata pa lang ako’y nakwento na sa akin ni Mama ito. Mangha-mangha ako nang ikwento niyang minsan daw na nasa tabing-ilog siya’y may lumapit sa kanyang ahas na may tatlong tila holen sa ulo nito. Sa sobrang takot niya’y binugaw niya raw palayo ang ahas. Pagkauwi raw niya’y kinwento niya raw sa isa niyang lola ang naganap. Nabigla raw ang kanyang lola’t sinabing binibigyan daw siya ng kapangyarihan ng nasabing ahas. Kung kinuha raw ni Mama ang tatlong holen sa ulo ng ahas, siya raw ay ituturing ng lahat ng ahas na Reyna nila. Sa isang hudyat lang daw ni Mama’y maaari siyang tumawag ng ahas at utusan ito ng kahit ano. Nanghinayang daw si Mama matapos niyang malaman ang kwento sa likod ng ahas na may tatlong holen sa ulo. Maging ako’y nanghinayang din kung totoo nga ito.

Tiktik

Talamak na ang mga kwento tungkol sa mga malignong umaatake sa gabi upang kainin ang mga sanggol na nasa sinapupunan ng mga buntis. Kahit saang lugar sa Pilipinas, may sariling bersyon ng ganitong kwento. At maging sa Kamaynilaan ay hindi ito mawawala. Nakatira kami noon sa Sampaloc, Manila. Double-deck ang kamang hinihigaan ko’t nakapwesto ako sa taas. Ang gilid ng mismong hinihigaan ko ay bintana na tanaw ang mababang bubong ng aming kapitbahay. Ang nasabing bubong ay maaaring tapakan ng tao dahil may sampayan dito. Mayroon kaming dalawang kapitbahay na buntis noon. Kinaumagahan paggising ko’y tinanong ako ni Mama kung may naramdaman daw ba akong dumaan sa bubong no’ng gabi. Ang sabi ko’y hindi ko alam. Saka kinwento sa akin ni Mama na ‘yong isa naming kapitbahay ay kinatok daw ng isang tila lalaking sobrang itim at pula ang mata. Nang makita raw ng “tiktik” na nagising ‘yong kapitbahay namin, dali-dali raw itong tumakbo at dumaan sa bubong sa tabi ng bintana namin. Sa totoo lang ay kinabahan ako no’n at ‘di ako natulog sa kama ko kinagabihan.

Higanteng Pusa

Ito ay isang pangyayari na ‘di ko maipaliwanag kung nangyari ba dahil bata kami o dahil tinatakot lang kami ng matatanda. Isang gabi sa Sampaloc, Manila, matapos naming maglaro’y nagdesisyon kaming magkakaibigang umuwi na. Hindi agad kami nakauwi dahil sa takot—may nakita raw na malaking pusa ang isa naming kalaro! Agad kaming bumalik sa compound na aming pinaglalaruan at kinwento ito sa mag-asawa’t kay Ryan na kapitbahay namin. Ayon sa mag-asawa’y nakita rin daw nila itong tumatakbo sa mga bubong. Nakita rin daw ito ni Ryan at sabi niya’y dapat naming habulin ito. Ayon kay Ryan, nakita niya raw itong may kagat-kagat na tsinelas. Nag-ala-pulis kaming mga magkakalaro no’n at inimbestigahan ang mga naganap. Napagdesisyunan naming bumalik sa lugar malapit sa puno ng mangga kung saan diumano’y nakita ang pusa. Laking gulat namin nang makakita kami sa baba ng puno ng isang pirasong tsinelas—ang diumano’y tangay ng pusa. Nagsitakbuhan na kaming lahat pauwi dahil sa takot. Sa tingin ko’y tinakot lang kami ng mga matatanda para kami’y umuwi na dahil gabi na.

May mga paliwanag sa mga tila ‘di kapani-paniwalang pangyayari. Kailangan lang daigin ang takot para mangingibabaw ang katotohanan.

Advertisements

4 thoughts on “Mga Kwentong Kababalaghan

  1. Ako mismo, noong bata pa ako, may mga karanasan akong kahit ako hindi ko akalaing mangyayari or makikita ko.
    Duwende, malaking ibon, kabaong na nakalutang sa ere at junked car na biglang bumusina at umilaw.
    Ilan lang yan.

  2. Marami na ding naexperience ng ganyan mga relatives namin pati ang mama ko, Ang Tawag namin sa Manananggal dito sa Batangas ay IKI at Wakwak naman sa Cebu (Province ni papa), May Tinatawag din silang Ungo o Ongo na Equivalent ng Cebuano sa Aswang, delikado din daw to at kadalasan sa liblib na baryo naglalagi

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s