Panay Kana ang Kano sa Pinas

My brother is not a pig.

Nasubaybayan ko ‘yong kaso ng pagpatay kay Jeffrey “Jennifer” Laude ng sundalong Amerikano na si PFC Joseph Scott Pemberton. Syempre naging kontrobersyal at sensational ang kasong ito dahil isang bumibisitang Amerikanong sundalo ang nakapatay sa ating kababayan. Marami nang punto ang nabanggit at marami nang nagbigay ng kani-kanilang mga opinyon. Ang tanong lang naman dito, kailan matututo ang gobyerno na sa “pagkakaibigan” ng US at Pilipinas, tayo ang laging lugi?

Maraming nagsasabi na makatutulong ang presensya ng US upang mapaunlad ang kakayahang militar ng ating bansa. Maganda ang layunin ng Balikatan exercises ngunit maraming kakulangan ito na magsisiguro sa interes ng Pilipinas. Hindi ko kinokontra ang ideya na pagdating sa kakayahang militar ay wala talagang binatbat ang Pilipinas kaya malaking tulong ang mga training, drills at skills na matututunan ng ating mga sundalo sa mga Kano. Hindi ko lang alam kung natutuwa naman ang mga Kano sa jungle warfare at arnis na natututunan naman nila sa mga Pinoy. Isang bagay lang ang siguradong kinatutuwaan ng mga Amerikano—ang mga babae ng Olongapo.

Maliban sa kababanggit ko lang na kakayahang militar na galing sa US, wala nang iba pang naitutulong ang presensya ng mga Amerikanong sundalo sa ating bansa. Masyadong maraming butas ang VFA na mahirap nang takpan pa. Isa na lang ang remedyo sa problemang ito—Junk VFA!

Pangalawang pagkakataon nang naagrabyado ang Pilipinas ng mga Amerikano. (Hindi na natin isasama ‘yong unang panahon ng pagdating nila rito. ) Una, nang gahasain ni Daniel Smith si Nicole. Ni hindi man lang nga napasailalim sa kustodiya ng ating gobyerno ‘yong rapist na sundalo na ‘yon. Imbes na mapanagutan niya ang nagawa niyang krimen dito, inaruga lang siya ng US Embassy na parang isang untouchable diplomat. Isang malaking sampal ang pangyayaring iyon sa justice system ng bansa at sa “pagkakaibigan” ng Pilipinas at Amerika. Walang bayag ang ating gobyerno ‘pag Amerikano na ang kinakastigo. Lugi tayo.

Ngayo’y umuusad pa lang ang kaso ni Jennifer at umaasa kong natuto na tayo kay Daniel Smith. Nakakulong ngayon si Pemberton sa Camp Aguinaldo at “under joint custody” ng US at Pinas. Pag-amin ni DFA Sec. Albert del Rosario, nasa loob lang daw ng pasilidad ng Pilipinas si Pemberton ngunit wala siya sa kustodiya ng gobyerno. Mga Amerikano pa rin ang may karapatan do’n sa mamamatay tao. Ang tanging paraan para makuha ng Pilipinas ang kustodiya ay dapat tayong magpaalam sa US. At malamang ay hindi sila papayag. Kung isang sundalo ng Pinas ang gumawa ng kawalang-hiyaan sa lupa ng Amerika, malamang na ang kustodiya ay nasa mga Puti. Kasi lupa nila ‘yon. Kasi Amerikano sila. Teka, may visiting forces ba tayo sa Amerika? Mukhang wala. Lugi na naman tayo.

Nalaman ko sa balita na bawal pala ang foreigner sa loob ng Camp Aguinaldo maliban na lang kung may kaukulang permit. Matatandaang nakapasok ang German fiancé ni Jennifer na si Mark Sueselbeck sa Camp Aguinaldo at nag-ober-da-bakod pa sa lugar na pinagkukulungan ni Pemberton. (Mas mabilis pang naaksyunan ang trespassing na nagawa no’ng Aleman kaysa ro’n sa pagpatay na ginawa ng Kano. Dahil hindi mahawakan ng gobyerno sa leeg ‘yong Kano, ang titirahin ay ‘yong Aleman.) Pero bakit gano’n? Bawal pala ang mga foreigner sa loob ng Camp Aguinaldo pero hinahayaan lang ng gobyerno na labas-masok ang mga sundalong Amerikano rito? At meron pang sariling opisina! Dahil nga nagkaroon ng VFA, nagkaroon din ng pasilidad ang mga Kano sa loob ng ating kampo militar. Sinisiguro ko sa inyo na walang sariling pasilidad ang Pilipinas sa loob ng kahit anong kampo militar ng US. Hindi sila papayag do’n dahil mahalaga ang isang kampo militar. Hindi yata naisip ng ating AFP na pwede tayong tiktikan ng mga Kano at kung magkaro’n man ng giyera’t kalaban natin ang mga Puti, alam na nila ang blueprint ng Camp Aguinaldo—madali nang mapapabagsak ang ating gobyerno. Isang kabobohan ang pagpayag na magkaroon ng facility ang isang foreign military sa loob ng ating kampo militar. Lugi na naman tayo.

Simula’t-sapul ay lagi tayong lugi sa gobyerno ng Amerika. Laging may kapalit ang lahat ng tulong na inaalok nila. Base militar para sa US, sex poverty sa Pinas. Military training sa Pinas, judicial protection sa US.  Bakit parang habambuhay tayong may utang na loob sa bansang Amerika? Bakit user-friendly ang “bestfriend” ng Pilipinas? Mula nang ibenta ni Madre Espanya ang Pilipinas sa US, hindi na tayo tuluyang nakalaya. Luging-lugi talaga tayo.

Advertisements

3 thoughts on “Panay Kana ang Kano sa Pinas

  1. Finally someone has spoken up! And I bet, hindi parin natututo ang gobyerno, ang mga Pilipino, tayo! And I doubt kung nasa Pilipinas pa nga si Pemberton. Ang tawag dito, bastusan!

  2. Reblogged this on Dodong Charing and commented:
    Kelan kaya tayo matututo? Kelan magkakaroon ng pagbabago?
    Ng P A N I N I N D I G A N ? Ito na nga ba ang bunga ng pinaglaban nating demokrasya? Hindi nga ba nasayang ang pagbubuwis ng buhay ng ating mga bayani?

    Mulat na mulat na ang mga Pilipino, pero bakit wala paring pagbabago? Pagod na pagod narin tayo sa harapang pambabastos ng pamahalaan pero ganoon parin, paulit-ulit.

    Kung ganito din lang pala, eh di sana hindi nalang natin inangkin ang INDEPENDENCE – sana nagpasakop nalang tayo ng tuluyan sa Kano noon para walang Visa papuntang US, English ang first language natin – tutal mukha naman tayong Amerikano ngayon (if you know what I mean).

    Another “just someone” has spoken, and this needs reblog.

    Totoo nga ang TATSULOK, habang sila ang nasa tuktok… :p

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s