Ang Winiwika ng Ating Wika

Hindi ko pa rin alam ang ibig sabihin ng FnL at kung bakit ito ang pamagat ng dula. Ang alam ko, hindi ko naintindihan ang ilang salita na ginamit sa pagtatampok ng Philippine Educational Theater Association (PETA). Naintindihan ko ang kwento at ang mensaheng nais iparating nito.

Linggatong!

Hindi na iba ‘yong tema ng dula kung saan may iba’t-ibang tao na may iba’t-ibang buhay at pinanggalingan ang magtatagpo at sasabak sa isang paglalakbay para masolusyonan ang kinahaharap nilang problema. Matagumpay namang napagtagpi-tagpi ang kwento ng mga tauhan at sa pagtatapos ay nakamit ng dula ang pakay nito—ang iparating sa mga manonood ang kahalagahan ng wika sa kabila ng pagkakawatak-watak ng mga gumagamit nito.

Makatatatap!

Ang FnL ay istorya ng dalawang tao—si Lance na laking US na hindi marunong mag-Filipino at si Flor na isang call center agent—na sa ‘di malamang dahila’y bigla-bigla na lamang nagsasalita ng malalalim na Filipino. Hindi nila ito mapigilan at nagiging balakid na sa pagganap nila ng kanilang trabaho—si Lance na nangangarap na maging artista sa Pilipinas at si Flor na isa ngang call center agent na kailangang mag-Ingles sa opisina. Sa paglala ng kanilang kondisyon, mapipilitan ang dalawa na huminto sa kanilang trabaho’t alamin ang dahilan nito sa tulong ng kanilang pamilya’t kaibigan.

You are My Poetry!

Ang sidekick ni Lance ay ang pinsan niyang si Jologs na tila napag-iwanan na dahil hanggang ngayo’y Jologs o Jeproks pa rin ang gamit niyang salita. Ang kasa-kasama naman ni Flor ay ang kapwa niya call center agent na si Bekimon na gumagamit naman ng gay lingo. Pareho akong nahirapang intindihan ang sinasabi ng dalawang ito ngunit pasalamat sa mga context clues, nakasabay ako sa agos ng kwento.

Bultokachi!

Nagustuhan ko kung paanong naipakita ang pagkakaiba-iba o diversity ng wika sa pamamagitan ng mga tauhan. Nagustuhan ko rin kung paanong naiugnay ang wika sa katayuan ng isang tao o ng gumagamit nito.

  • Lance – Laking US na Ingles lang ang alam na wika na kailangang matutuhan ang wikang Filipino dahil sa Pilipinas na siya titira at mga Filipino na ang kanyang makakasalamuha. Si Lance ang simbolo ng mga Filipino na kung ituring ay Diyos dahil siya’y galing sa ibang bansa. Sa kabila ng mala-Diyos na pagturing na kanyang nakukuha mula sa kapwa niya mga Filipino, naipakita ang hirap o struggle niya nang mabanggit niya na sa US, kaya niyang makibagay sa iba’t-ibang tao na hindi niya kalahi sa pamamagitan lamang ng pagsasalita ng kanilang wika (gaya ng sa mga kapwa niya Fil-Am doon o sa mga kaibigan niyang Latino) ngunit dito sa Pilipinas, nahihirapan siyang makibagay sa kapwa niya Filipino dahil sa pagkakaiba ng wika (language barrier). Isang Filipino na ‘di marunong mag-Filipino na nahihirapan tuloy magpaka-Filipino.
  • Flor – Apat na wika ang kayang gamitin ng probinsyanang si Flor: Filipino, Cebuano, English at Gay Lingo. Call center agent ang kanyang trabaho. Simbolismo siya ng kaisipan na Ingles ang magdadala sa isang tao sa kaunlaran dahil Ingles ang wika ng globalisasyon. Ngunit sa paggamit niya ng Ingles, tila nalilimutan na niya na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang Filipino. Gaya ng isang linya sa dula, ang isang call center agent daw, ‘pag nasa opisina, para na rin siyang nasa isa pang state o estado ng Amerika—American State of Mind. Tama nga naman. Sa tuwing gagamit kasi siya ng Ingles, tila nalimot na rin niya ang kanyang pagka-Filipino. Kabaliktaran ni Lance na nahihirapang maging ganap na Filipino.
  • Bekimon – Si Bekimon ang representasyon ng laganap na wika ng Bekimon sa Pilipinas. Itinuturing na impormal na wika ngunit nakapagtatakang unti-unti itong nagiging sikat sa mga tao at maging sa media at literatura. Kumbaga, ito’y nagiging mainstream na sa kabila ng pagiging impormal nito. Ito ay patunay na ang isang wika, anuman ang pinagmulan nito, o kakaunti man o minority lang ang gumagamit nito, ay may kakayahang maging makapangyarihan at laganap. Ganyan ang pagiging wika—dinamiko.
  • Jologs – Si Jologs naman ay representasyon ng isang wika na matagal nang nawala o laos. Kagaya ng gay lingo, ito ay itinuturing ding impormal na wika at tila mas balbal pa nga ang trato kaysa sa nauna. Ito ay lumaganap noon pang 80’s at hanggang 90’s at maaaring ang reincarnation nito sa panahon ngayon ay ang Jejemon. Baduy ang turing sa wikang ito kaya mas madalas itong gamitin ng mga taong ang estado sa buhay ay ‘di kataasan. Kumbaga, ito’y salitang kanto. Si Jologs ang representasyon ng isang wika na ang turing ay mababa ngunit laganap naman ang paggamit at parang vernacular pa nga dahil sa sobrang dami ng gumagamit nito (dahil sobrang dami ng mga taong mababa ang estado sa lipunan.) Isa ngang kabalintunaan na kung anong wika pa ang mas ginagamit ng marami ay siya pang tinuturing na mababa.
  • Butch – Si Butch ay katrabaho ni Bekimon at Flor. Taglish ang gamit niyang wika at madalas siyang bumigkas ng tula, mag-orasyon o deklamasyon. Malalim at makabuluhan kung siya’y gumamit ng wika—Ingles man ito o Filipino. Siguro’y si Butch ang patunay na ang wika ay lalong gaganda kung alam lamang natin kung paano ito paglaruan at gamitin ng wasto. Wala namang kaso sa paggamit ng Taglish dahil tanggap naman ito ng marami. Mensahe siguro ni Butch na bagama’t nasanay o exposed na tayo sa isang wika, ay dapat na nating kalimutan ang iba. Kagaya niya na bagama’t Ingles ang gamit sa opisina, matatas pa rin sa paggamit ng Filipino. Maaari namang maging mahusay sa paggamit ng magkaibang wika. Ang sinasabi lang siguro ni Butch, kung anumang wika ang nais mong gamitin, paghusayan mo na para hindi ka magmukhang taong pinipilit lang magsalita.
  • Nanay – Ang Nanay ni Flor ay isang Cebuanang propesor ng Filipino na nawalan ng trabaho dahil sa K-12 Program. Sinisisi niya ngayon ang wikang Filipino sa pagkawala ng trabaho niya. Ayon sa kanya, ang Filipino ay hindi magdudulot ng pag-unlad sa mga Filipino at sa Pilipinas. Bagama’t siya ay propesor ng Filipino, siya ay bihasa sa Ingles at mas gusto pang gamitin ito kaysa sa kanyang itinuturo. Ayon pa sa kanya, paano raw na tinuring na Pambansang Wika ang Filipino gayong marami pang ibang wika sa Pilipinas gaya ng Cebuano? Si Nanay ay isang Rehiyonalista at hindi itinuturing ang Filipino bilang Pambansang Wika dahil ito ay batay lamang daw sa Tagalog. Sa maniwala kayo’t sa hindi, marami pa ring lingwista ang nagsusulong ng Rehiyonalismo imbes na tanggapin ang wikang Filipino.
  • Turing – Si Turing ay pumanaw na asawa ni Nanay at siyang sumasapi kay Flor sa tuwing siya’y nagsasalita ng malalalim na Filipino. Si Turing ay isang Filipinista na naniniwalang ang wikang Filipino ay siyang tunay na wikang pambansa dahil ito ang nauunawaan ng mas nakararami. Siya’y naniniwala rin sa kahalagahan ng wika at naninidigang ang wika, anuman ito, ay hindi dapat maging dahilan ng pagkakawatak-watak ng isang bansa. Si Turing na Filipinista ay kabaliktaran ni Nanay na Rehiyonalista ngunit sila ay nag-ibigan at naging mag-asawa. Isang patunay na ang pagkakaisa ay hindi imposibleng makamit.
  • Francisco Balagtas – Ay ang siya namang sumasapi kay Lance kung kaya’t bigla-bigla na lang siyang nagsasalita ng mga malalalim na Filipino. Dito nalaman na ang mga sinasambit ni Lance at Flor ay galing sa Florante at Laura ni Balagtas. Sa maikling pagganap (cameo role) ni Balagtas sa dula, kanyang tinuran ang kahalagahan ng wika sa bayan at sa tao at kung paanong hindi dapat ito tinatalikuran bagkus pinagyayaman.

Keribels!

Ang pagsapi ni Turing at Balagtas kay Flor at Lance ay isang paggising sa ating kamalayan: Saan natin dinadala ang ating wika? Ating isipin na kung saan natin dinadala ang wika, roon din tayo papunta.

Nawa’y ang FnL ay dalhin ng PETA sa mga paaralan (elementary, high school at kolehiyo) para muling mapukaw ang damdamin ng mga kabataan sa kahalagahan ng wika. Na hindi dapat nila binabalewala ang aral na nais iparating ni Balagtas. O ni Jologs. Ni Bekimon. Ni Nanay. Ni Butch. Ni Lance. O ni Flor. Na ang wika ay dapat pinapahalagahan, pinagyayaman at hindi tinuturing na isang maliit na aspekto lamang ng ating pagkatao. Ang wika ang ating pagkakakilanlan.

Ang wika ay ikaw. Ang wika ay tayo.

Mabuhay ang Wikang Filipino!

Advertisements

2 thoughts on “Ang Winiwika ng Ating Wika

  1. It took me a moment to realize that it’s BALAGTAS. hehe! Ang galeng!

    Napansin ko pala (walang kinalaman sa post mo) na marami kang TAGS. I learned that wordpress will block your post if you tag it more than 15 tags. That’s the reason why when you type in (for example) TAGLISH, hindi mo makikita ang post mo. Or you click JEPROX – if you follow that tag, hindi mo rin makikita ang post mo. Sinasabi ko ito b/c most of your posts are amazing, mas magaganda kung maraming nakakabasa. 🙂 🙂

    • Wow nice! Gano’n pala ‘yon. Noted na ‘yan next time. Salamat sa payo! Haha. Dapat nanood ka nitong play na ‘to kasi ang hirap magets no’ng Bekimon dito. Sakit sa ilong. Grabe. Haha. Napaka-creative ng mga wika niyong mga beki. Keribels. Hahaha.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s