Kwentapusan: Gatilyo

Limang buwan pa lang akong hired killer. Sa limang buwan na ‘yon, apat pa lang naman ang napapatay ko. ‘Yong tatlo pa ro’n, back-up lang ako kaya hindi talaga ako ‘yong pumatay. Ayaw kasi nila Boss na ako agad ‘yong isasalang sa mga malalaking isda. ‘Yong unang tinira ko nga, pipitsuging Purok Leader lang sa may Taguig e. Madali lang naman ‘yong pagpatay ko sa kanya no’n. Gabi ‘yon. Naka-backride ako kay Batok tapos inabangan lang namin ‘yong matanda. Ayun, pagkalabas ng bahay tinutukan ko agad sabay kalabit ng baril. Dead on the spot daw sabi ng look-out namin e. Natuwa naman si Boss sa’min. Nakatanggap pa kami ng extrang sampung libo. ‘Di ko na pinagsisihan ‘yon dahil sabi nila Boss nang-onse raw sa droga ‘yon e. Normal lang na maawa ako sa mga natira ko na. Pero hanggang do’n na lang ‘yon. Nababayaran naman ng malaking halaga ‘yong nararamdaman kong awa.

Ang alam nila Lolo’t Lola, nangingisda at kargador ako sa Navotas. Hindi naman sila nagtatanong ‘pag gabi na ko umuuwi o ‘pag hindi na ko nakakauwi. Napapaliwanag ko naman kasi na minsan gabi kami lumalayag at naabutan na sa laot. Tapos madaling araw naman nagbabagsak kami sa fish port. Mukhang ‘di naman sila nagdududa at maski naman sa mga kakilala ko, walang nakakaalam na pumapatay ako ng tao. Madalas akong makaramdam ng kaba sa takot na baka malaman nila. Lalo na ni Lolo’t Lola. Pero siguro sasabihin ko na lang na ‘yong pinangsu-sustento ko sa bahay at pinambubuhay ko sa kanila ay galing sa buhay ng iba. Baka itakwil nila ko, pero ano bang magagawa ko? Mabilis ang pera rito e. Kasing bilis ng buhay ng tao.

Si Inspector nag-recruit sa akin sa trabahong ‘to. Krimen ang tawag ng iba, trabaho naman sa amin. Kaya hindi ako natatakot na baka mahuli kami o makulong kasi may kapit kaming mga pulis. Eh pulis din naman may pakana nitong trabaho namin. Mataas pa ranggo ng iba kaya sa tuwing may trabaho kami, petiks lang e. Parang gano’n-gano’n na lang sa kanila ang pumatay. Dati naman look out lang nila ko o kaya kasama sa holdap o hulidap. Pero nang nagtagal, nahatak na rin ako sa pagiging hired killer. Sa isang buwan, laging may kliyente. Madalas na mga suki namin ay may kinalaman sa droga, mga negosyante o mga kaaway mismo nila Inspector. Minsan, kahit walang bayad, pumapatay kami basta nakabangga ang tropa.

Madali lang kumalabit ng baril. Ang mahirap ay ang susunod na parte nito—‘yong pagsisisi o minsan nagi-guilty kami. Pero sanayan lang naman sa ganitong trabaho e. Kung demonyo turing ng marami sa amin, eh ‘di hahasain na lang namin lalo ang aming mga sungay.

Sabik na sabik na ko ngayong gabi. Dalawa raw target namin eh. ‘Di naman madalas ipaliwanag ni Boss kung bakit pinapapatay ‘yong tao. Sinasabi na lang niya ‘pag matagumpay ‘yong lakad. Pero sabi niya, mag-asawa raw ‘yong papatayin namin ngayon. Kung mapapatay namin, dagdag na dalawa agad ‘to sa listahan ko. Nasasabik ako kasi sa’kin raw ‘yong babae. Pito kami ngayon. Apat na nakamotor, dalawa pa sa SUV at ‘yong isa look-out. Kasama ko si Jek sa motor. Si Batok naman sa isa pang motor. Nakaabang na kami sa kanto ng hardware ng mag-asawa. Medyo matagal din kaming nagmanman hanggang sa magdilim na. Akala namin may sasakyan sila. ‘Yon ‘yong nasa plano e. Pero nakita namin silang sumakay lang ng jeep. Nayari kami. Delikado kasi ‘pag ganito, baka may iba nang madamay at marami pang saksi kung sakali. Pero tinimbrehan na kami ni Nunoy, tuloy daw.

Sinundan muna namin ‘yong jeep hanggang sa i-cut na ng SUV sa harap. Akala namin mapapahinto agad ‘yong jeep kaso nakabig ng driver pakaliwa hanggang bumangga sa pasalubong na van. Tang inang Bog ‘yan ang hina magmaneho. Lalo pa tuloy gumulo ang plano. May mga usi agad at mukhang sa aksidente pa lang, may namatay na. Nakita ko agad ‘yong mga nakahandusay na pasahero sa loob ne jeep. Pero nagsenyasan kami nila Batok. Tuloy daw. Habang nagkakagulo pa ang mga tao, una nang lumapit sila Batok. Nakita kong may nabaril na siya. Nagtakbuhan ang mga usi. Sumunod na kami agad ni Jek. Bagsak na ‘yong lalaking target namin. Kasado na ‘yong baril ko at nakaasinta na ko sa babae. Habang akap niya ang kanyang asawa, saka ko kinalabit ang baril ng tatlong beses. Sinigurado muna naming bagsak na. Alam ko patay na ‘yong dalawa. Tirik na mata e. Habang papatakas kami, nasilip ko ‘yong jeep. Patay din yata ‘yong driver at delikado yata lagay ng ibang pasahero.

Pero parang may namumukhaan ako sa likuran ng driver. Napatulala na lang ako. Nakita ko si Lola.  Nagpumilit akong bumaba kahit paharurot si Jek. Agad kong pinasok ‘yong jeep at niyapos si Lola. Duguan siya at walang malay. Sa may sahig naman, nakita ko si Lolo. May tama sa ulo at nadadaganan pa ng isang pasahero. Parang puputok ang puso ko sa aking nakita. Sumigaw ako ng saklolo. Panay ang hingi ko ng tawad habang umiiyak. Parang ‘di ako makagalaw at nanginginig ako sa kaba. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari.

Nagising akong nasa loob na ng kulungan. Sabi sa akin ng Warden, nasa morgue pa raw sila Lolo. Nakatulala ako. Umiiyak. Nagmumura. Pinatay ko si Lolo. Pinatay ko si Lola. ‘Yong natitira kong pamilya, wala na.

Ito ‘yong pagkakataon na humihiling ako ng kamatayan pero hindi ko makuha. Putang ina! Madaling kumitil ng buhay. Pero ‘pag ‘yong dahilan mo para mabuhay ang nawala, tang ina, parang paulit-ulit akong pinapatay kahit ika’y humihinga pa.

Tang ina.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s