Kwentapusan: Rehas

Kagaya kahapon, tatambay na naman ako rito sa tapat ng bahay. Pipikunin ’yong mga batang naglalaro ng Tumbang Preso sa harap. Aasarin ‘yong mga mapapadaang tropa. Kakamustahin ang mga chicks. O kaya kakawayan ‘yong iba naming kapitbahay na wala ring ibang ginawa kundi tumambay. Madalas kasama ko si Eloy dito sa harap at kung anu-ano lang pinag-uusapan namin. Minsan maglalaro kami ng dama, chess o baraha. Pero wala siya ngayon. May inasikaso raw sa PCSO para kay Mang Dudut. Gaya kahapon, wala na naman akong magawa rito kundi tumunganga.

Sabi sa’kin ni Nanay dapat na raw akong maghanap ng trabaho ulit dahil naging part-timer na lang si Tatay sa pabrika. Si Ate naman ‘di na kami matulungan halos dahil nanganak na naman siya. Ang sipag nilang mag-asawa at sa kanilang dalawa pa lang, nakaka-anim na apo na sila Nanay. Buti na lang si Kuya wala pang asawa at nakakapag-abot pa sa bahay. Ang pinakagastos lang naman nila Nanay ay si Jeffrey at Divine na kahit sa public nag-aaral, ang dami pa ring gastos sa mga project at kung anu-anong mga contribution sa school. Gusto ko rin namang makapagtrabaho kaso ang hirap ‘pag nalalaman nilang galing akong loob, agad nila kong tinatanggihan.

No’ng nakaraang linggo eextra sana ko sa construction ni Sir Rudy kaso inayawan ako ng foreman niya. Okay naman sana kay Mang Rudy, ang yabang lang talaga no’ng hunghang na foreman na ‘yon kaya ako na rin ang nagpaubaya. Kahit dishwasher lang nga sana kay Manang papatusin ko eh kaso dumating ‘yong pamangkin niya galing Samar kaya siya na ‘yong kinuha. Tapos si Mang Jun naghahanap ng driver ng tricycle niya, nagprisinta ko pero ayaw naman niya. Sinabihan pa kong baka unti-unti raw machop-chop ‘yong motor niya. Akala nilang lahat masama ako. Kung alam lang nila kung gaano kahirap makulong, ‘di nila ko huhusgahan. Sa tuwing kinukutya nga nila ako ‘di na lang ako umiimik para wala na lang silang masabi tungkol sa’kin. Pero sa loob-loob ko, pinapatay ko na sila sa mura.

Nagawa ko lang namang nakawan ‘yong bahay nila Bossing no’n dahil sa bisyo. Inaamin ko nalulong ako sa shabu at ‘yon ang nagbunsod sa akin para gumawa ng masama. Sa tuwing ‘di kasi ako makakatikim, para kong nanginginig at nauulol. Sinama lang naman ako ni Patrick sa raket niyang ‘yon kasi wala na rin siyang matira. Pero nanaig ‘yong bisyo ko kaysa sa prinsipyo. Teka, ‘pag nagbisyo ka naman meron ka pa ring prinsipyo eh—ang makawala rito.

Parang lumang bike lang naman nakuha ko no’n. Mas maraming nakuha si Patrick kasi notorious na magnanakaw na ‘yon sa barangay. Nakita ko siyang natira ‘yong mga tools ni Bossing at nakakuha pa ng mga sapatos at parang maliit na aircon. Mas malaki kinita niya at hindi man lang ako pinartihan nang nabenta na namin sa junk shop ‘yong mga nakuha niya. 200 lang yata sa akin at sa kanya, 500 agad inabot ng mga mabigat na tools pa lang. Kinabukasan, hinuli na ko ng pulis. Hiyang-hiya ako kanila Nanay at sinuntok pa ko ni Tatay. Buti na lang wala si Kuya nang oras na ‘yon kundi baka nasipa pa ko. Wala na nga kong silbi, puro perwisyo pa ang dala sa bahay. Pagdating ko sa presinto nando’n na rin si Patrick. Nakangiti pa ang gago. Nadamay pa ‘yong may-ari ng junk shop na pinagbentahan namin. Matapos ang anim na buwan na pagkakakulong, nagbago rin naman ako. Parang ‘yong kulungan nga tumulong sa aking malayo sa droga e.

Sa totoo lang, sa loob ko pa nga natutunan ang tunay na diwa ng pagiging tao—‘yong hati-hati kayo sa kung anumang meron, o kung anumang wala; sama-sama kayo sa tunay na hirap at tunay ginhawa; kung may problema, magdadamayan; at, kung may mga simpleng bagay na makapagpapasaya sa amin, magtatawanan.

Dito sa labas, parang umonti na nga ang aking mga kaibigan e. Maski ‘yong mga pinsan ko ‘di na malapit sa akin mula nang nakulong ako. Pero mula naman talaga nang nagsimula kong magdroga nalayo na ko sa mga tao e. Ngayong nasa labas na ulit ako, mahirap talagang makibagay at halu-bilo. Pamilya ko lang talaga ang tunay na kakampi ko. Pati na rin si Eloy na pinakamalapit kong kaibigan dito sa barangay. Halos lahat ng taong hindi ko nabanggit, iba na ang turing at tingin sa akin.

Sa kulungan, bakal ang pumipigil sa amin para makalaya. Dito sa labas, hindi rin naman pala kami tunay na malaya dahil kinukulong pa rin kami ng ilang tao sa mata nila.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s