Kwentapusan: Pabalat

Ngayong gabi na namin balak kunin ‘yong mga librong binukod namin sa bodega ni Chief. Excited na nga kami kahit alam naming papasok kami ng walang paalam do’n. Kinakabahan kami pero ‘di kami natatakot kasi kasama naman namin si Donita, ang bunsong anak ni Chief. Ang sabi niya kasi okay lang naman daw na kunin na namin ‘yon kasi nakatambak lang sa bodega at balak nang ipatapon sa susunod na linggo.

Kukunin ko na ‘yong mga coloring book na ibibigay ko kay Buboy. Mahilig kasi ‘yon magkulay at siguradong magugustuhan niya ‘tong bigay ko. Para sa’kin naman ay ‘yong mga lumang libro ro’n na puro kwento. Pagbabasa na lang kasi ang ginagawa ko ‘pag walang bumibili sa tindahan. Isang supot din ng SM ‘yong mga nakuha kong libro. Mabigat. Pero okay lang. Babalik pa naman kami sabi ni Bibo.

Si Bibo nga yata ‘yong may pinakamaraming dadalhin. May hawak na siyang plastic ng Divisoria, tapos may bag pa siyang dala. Nakita ko mga tinabi niyang libro, parang kung anu-ano na lang eh ‘yong iba hindi naman niya yata babasahin. May Science, Math, National Geograhic at ang dami pa talagang iba. Nag-agawan pa nga kami sa coloring book pero ako nanalo. Syempre isang kutos ko lang sa kanya, iyak ‘yon.

Tapos si Russell naman parang ang onti lang ng kukunin pero may dala rin siyang bag. Pinilit lang nga naming pasamahin si Russell eh kasi ‘di naman siya mahilig sa libro. Pero nakita ko may ginilid din siyang mga comics, cook book—para kay Aleng Tess daw—at mga lumang Adarna Books yata ‘yon. Sayang nga naunahan niya ko ro’n. Tapos may kinuha rin yata siyang Bible para naman daw kay Tito Nelson niya.

Si Donita naman walang kinuha kasi marami pa siyang libro sa taas at baka raw makita ni Chief na kumuha siya ng libro sa bodega, mapagalitan pa siya. Kinabahan tuloy kami na ‘pag nahuli, hahatawin kaming sinturon. Kaya tahimik lang kami eh. Buti na lang nando’n si Donita at alam niya kung saan ‘yong ilaw at memorize niya oras ng tulog ng Papa at Mama niya.

Palabas na kami ng bodega tapos may nakitang bold si Bibo. Tawa sila nang tawa ni Russell. Nandidiri naman kami ni Donita kasi parang gusting-gusto naman nila. Pinakita pa sa amin ni Donita ‘yong magazine. Kadiri! Sabi ni Donita ibaba na raw nila ‘yon pero kinuha pa rin ni Bibo at nilagay niya sa bag niya. Tinago pa niya sa pinakadulo para raw ‘di makita sa kanila.

Pagbukas namin ng pinto ng bodega, nakatayo na ro’n si Chief. Nagulat kaming lahat lalo na si Donita. Nanginginig ako habang nakatayo lang do’n si Chief. ‘Di ako makagalaw dahil sa takot. Nakakatakot talaga si Chief lalo na ‘pag nakikita namin siyang pinipingot pauwi sa kanila si Kuya Dondon. Tapos minsan nakikita rin namin siyang kinukurot si Donita. Ang dami ngang takot kay Chief sa barangay namin e. Mayaman kasi at maraming kilala kaya kahit medyo siga at nananakit, walang makapalag sa kanya. Nananahimik na lang. Gaya namin ngayong apat na tahimik sa harapan niya. Narinig ko si Donita umiiyak na kahit wala pang sinasabi si Chief.

Sinigawan niya kami. Minura niya si Donita at sinabihang umakyat na raw. Sumunod naman si Donita pero binatukan niya ‘to nang dumaan sa harap niya. Ang lakas ng batok ni Chief. Ayaw ko sanang iwan kami ni Donita kasi parang siya ang kakampi namin pero binitawan ko kamay niya nang sinigawan siya ni Chief. Hindi namin alam kung paano nalaman ni Chief na nando’n kami. Minura niya kaming tatlo at sinabing ibalik ‘yong mga kinuha namin. Binalik naman namin agad at nag-sorry. Minura pa rin niya kami. Pagkakuha ni Russell ng bag niya, agad siyang tumakbo. Tatakas din sana kami ni Bibo kaso napigilan kami ni Chief. Niyakap niya kaming dalawa habang pinagmumura si Russell na  nakalayo na. Umiiyak na kami ni Bibo at nagso-sorry. Kinurot niya kami pareho. Lalo kaming kinabahan nang tinatanggal na niya sinturon niya. Nakita ko si Donita bumaba ulit kasama si Ate Donna at pinipigilan nila si Chief. Pero minura sila ni Chief, pinapasok sa loob at ‘wag na raw makialam.

Ipinasok kami ni Chief sa bodega, isinara niya ang pinto at sabay hataw ng sinturon kay Bibo. Naawa ako kay Bibo kasi napasigaw siya. Iyak na kami nang iyak no’n. Nagyakapan na lang kami ni Bibo. Ako ‘yong sunod niyang hinataw at tinamaan ‘yong likuran ko. Masakit. Parang medyo mahapdi. Hinataw niya kaming salitan ni Bibo. Iyak kami nang iyak at sumisigaw. Panay mura niya sa amin at sinasabihan pa kaming magnanakaw. Sabi naman ni Bibo pumayag si Donita na kunin mga libro pero sabi niya, magnanakaw pa rin daw kami. Ipapa-barangay niya raw kami kasama si Russell.

Binato ni Bibo ng libro si Chief. Lahat ng mahawakan ni Bibo binabato niya kay Chief. Pinipigilan ko siya pero ayaw magpaawat. Lalo tuloy nagalit si Chief sa kanya. Parang nanggi-gigil na si Chief. Nagulat kami nang bumunot siya ng baril. Nanginginig siya. Parang nanginginig din ‘yong mukha niya nang tinutok niya ‘yong baril kay Bibo. Nanlaki ‘yong mata ko. Biglang nag-sorry si Bibo at napatigil din sa pwesto niya.

Nagulat ako. Nabingi. Umalingawngaw ‘yong putok ng baril. May tumalsik na dugo sa akin. Parang naging blanko lahat bigla. Parang madilim. Nakita ko na lang si Bibo, nakahiga sa tabi ko at duguan. Wala na siyang malay. Si Chief naman parang kinakabahan at ‘di alam ang gagawin. Kitang-kita ko nang pinutok niya ang baril. Pinatay niya si Bibo. Wala kong ibang naisip no’n na ako na ang susunod. Tama nga. Sunod niyang tinutok ang baril sa akin. Pero biglang bumukas ang pinto. Si Ate Donna. Sumisigaw. Nasa likod niya si Donita na gulat at ‘di makapagsalita. Nagyakapan si Ate Donna at Chief. Umiiyak ako sa tabi ni Bibo.

‘Yong mga nababasa ko pala sa libro, pwedeng magkatotoo.

Sinumpaang Salaysay ni:

Marie Joy F. Rebolado

Paalala: Lahat ng nabanggit na tauhan sa akdang ito ay pawang gawa-gawa lamang ng may-akda. Anumang pagkakatulad sa tunay na tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s