Subito Quid, Subito Quam

Nang minsang magkaro’n ng pagkakataong sumaya
Ako ay pinalad na ika’y aking makilala
Ang ‘yong mga mata’y nangungusap na banta
Na sa muling paglingon ko’y ako’y bihag mo na.

‘Di nagtagal ay hawak na nga kita
Hindi dahil pinilit ka kundi dahil sa’king mga salita
Kung ang nangungusap sa’yo’y ang iyong mga mata
Ang mga salita ko nama’y maraming nakikita.

“Halika rito, kawawang bata,”
Kinausap ako ng mapungay mong mata
“Ang babaeng ito ay ulilang mutya,”
Ang siya namang nasilayan ng aking salita.

Sa paglaon ng panahon, tayo’y nalunod at nagpakasaya
Ako sa iyong mata, ikaw sa aking salita
Walang silbi ang oras ‘pag ika’y kasama
Walang saysay ang pagmulat kung ‘di ka nakikita.

Ang sabi mo nga’y, ikaw ri’y masaya
Sa pagdating ko at pagpawi ng ‘yong luha
Luhang kaytagal na ayaw kumawala
Luhang pagdating ko’y naging luha ng ligaya.

Sa bawat halakhak at iyong pagtawa
Ay siya namang paglundag ng puso kong nawala na
Nawala sapagkat ‘di maramdaman at ‘di makita
Na sa pagkabigla ko’y hawak mo lang pala.

Mga maiikling panahon ng magpakailanman ay natupad na
Dahil sa’ting pagmamahalan ang lahat ay mahiwaga
Tayong dalawa lang, ang kulang ay buo na’t labis pa
Dahil ikaw at ako, ang mundo, ay pag-ibig na pinag-isa.

Lagi mong sinasambit na ako lang ang ‘yong sinisinta
Ngunit lahat ay nagbago nang mata mo’y pumikit bigla
Ayaw mo na kong makita’t ayaw nang makasama pa
Pinilit kang padilatin ngunit ang mga talukap mo’y may tahi na.

Lagi kong sinasambit na ikaw lang ang aking sinisinta
Hindi ito nagbago kahit ako’y ‘di na nagsasalita
Ayaw ko nang bumigkas ng mga salita’t tumigil na sa pagwika
Pinilit ko buksan ang bibig ngunit ang aking mga labi’y nawala na.

Nang minsang magkaro’n ng pagkakataong sumaya
Ako ay pinalad na ika’y aking makita
Ang iyong mga mata’y nangungusap na banta
Na sa muling paglingon ko’y nawalang parang bula.

Ang lahat ng iyong sinabi’y puro hiram na salita
Mga salitang ‘di para sa’kin kundi para sa iba
Ang aking mga mata’y iyong pinaluha
Nagmakaawa’t nangusap na muli kang makita.

“Halika rito, kawawang bata,”
Kinausap ako ng mga lagalag kong salita
“Ang babaeng ito ay ulilang mutya,”
Ang siya namang nasilayan ng huwad mong mga mata.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s